Home NATIONWIDE Maintenance contract ng LTO napaso na, cybersecurity threat pinangangambahan ng Kamara

Maintenance contract ng LTO napaso na, cybersecurity threat pinangangambahan ng Kamara

37
0

MANILA, Philippines – Inamin ng Land Transportation Office (LTO) na kasalukuyang tumatakbo ang Land Transportation Management System (LTMS) nang walang active maintenance contract ngayong taon, kasabay nito ay nagpahayag ng pangamba ang Kamara na magdulot ito ng cybersecurity vulnerabilities at posibleng pagparalisa sa serbisyo sa milyun-milyong motorista.

Sa pagdinig ng House Committee on Transportation, sinabi ni LTO Executive Director Atty. Martin P. Ontog na napilitan ang ahensya na umasa muna sa mga backup o parallel systems upang mapanatiling operational ang mga frontline services kasama na dito pag-iisyu ng driver’s license at vehicle registration.

Ang pag -amin ay ginawa ni Ontog  sa gitna ng pagbusisi ng House Committee on Transportation sa ₱3.19-bilyong LTMS project ng ahensya.

Ang LTMS project ay binubusisi  dahil sa hindi  nareresolbang operational issues ilang taon matapos itong ilunsad, kabilang dito ang problema sa Public Utility Vehicle (PUV) processing, advance license renewals, automated uploading ng medical certificates, at iba pang transaksyon na nangangailangan pa rin ng manual intervention.

Sinabi ng LTO sa padinig ng komite na ang maintenance contract ng Dermalog ay napaso na sa iba’t ibang modules simula noong Enero 2026, at ang huling module ay tuluyan nang nag-expire ngayong buwan ng Mayo. Dahil sa kawalan ng aktibong kasunduan, wala umanong contractual patch management, security monitoring, o incident-response coverage na gumagana sa kasalukuyan.

Sa kabila nito, tiniyak ng LTO na prayoridad nilang mapanatili ang tuloy-tuloy na serbisyo sa publiko habang isinasagawa ang buong transition para mailipat ang operational control ng system sa pamahalaan.

Inihayag din ng ahensya na dahil sa mga legal, procurement, at budget limitations, hindi sila maaaring mag-apruba ng karagdagang bayad o settlement sa Dermalog nang walang kaukulang congressional appropriation at pagsunod sa mga panuntunan ng audit.

Una nang nanindigan ang Dermalog na natupad nila ang lahat ng obligasyon sa ilalim ng kontrata at iginiit ang kanilang intellectual-property rights sa ilang bahagi ng system at software na ginamit sa proyekto.

Sinabi ng LTO na nakatutok sila ngayon sa pagprotekta sa serbisyo ng gobyerno at data ng publiko habang gumugulong ang transition at mga legal na proseso. Gail Mendoza

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here