Home HOME BANNER STORY Planong Cha-cha, term extension pinalutang ni Imee; Senate minority, pumalag

Planong Cha-cha, term extension pinalutang ni Imee; Senate minority, pumalag

47
0

MANILA, Philippines – Inakusahan ni Sen. Imee Marcos nitong Lunes, May 25, 2026, ang kasalukuyang administrasyon na nagtutulak umano ng charter change at posibleng term extension, bagay na mariing tinutulan ng ilang senador mula sa minorya na naglarawan sa kanyang presentasyon bilang “fake news” at “propaganda.”

Sa kanyang privilege speech, nagpakita si Marcos ng video na umano’y naglalaman ng mga hakbang para amyendahan ang Konstitusyon sa pamamagitan ng Constitutional Assembly, palawigin ang termino ng mga incumbent officials hanggang 2031, pababain sa 35 taong gulang ang minimum age requirement para sa pagtakbo sa pagkapangulo, at kanselahin ang 2028 elections.

“Impeachment, no elections, term extension. Ito ang inaatupag ng ilang mambabatas na nagiging mambubutas ng sikmura ng taumbayan,” ani Marcos.

“Inuuna ito kaysa gutom, trabaho, kalusugan, kabuhayan. Gusto nilang pahabain ang paghihirap ng Pilipino, gusto ata nilang gumapang ang bayan sa dusa, gaya ng paggpaang ng mga buwaya sa kaban ng bayan at konstitusyon,” dagdag pa niya.

Agad namang tumutol si Sen. Juan Miguel Zubiri at hiniling na alisin sa Senate records ang naturang video dahil isa umano itong “horrible propaganda.” Sinang-ayunan ito ng ilang minority senators ngunit tinutulan ni Sen. Rodante Marcoleta.

“Point of order. Under Sections 93, 94, and 95 on unparliamentary acts and language, I just want to point out that the video that the lady senator presented was obviously opinionated, a propaganda tool. It should be stricken off the record, Madam President,” ani Zubiri.

Ayon pa kay Zubiri, kabilang siya sa mga unang tumutol noon sa People’s Initiative-backed charter change at kalaunan ay tinanggihan ito ng lahat ng 24 senador.

Sinabi naman ni Sen. JV Ejercito na hindi dapat gawing plataporma ng disinformation ang Senado.

Samantala, sinabi ni Sen. Francis Pangilinan na “Clearly, disinformation has no place in this chamber.”

Tinawag ding “fake news” ni Sen. Risa Hontiveros ang video at sinabing: “Delivering a privilege speech is not the same as having the privilege to have fake news entered in the official records as if it were evidence.”

Itinanggi naman ni dating Senate president Vicente Sotto III ang pagkakasangkot sa anumang usapin ng charter change.

“Sana tinanong nila ang source nila. Pumayag ba ako? Porke narinig mo, lalabas dito na para bang ako ay nakikiisa. I have nothing to do with the allegations on cha-cha,” ani Sotto.

Pinasubalian din ni Sen. Panfilo Lacson ang alegasyon at sinabing hindi seryoso ang naturang usapan.

“Wala seryoso sa pinag-uusapan so I shared.. Kuwentuhan lang ‘yun pero kung seryoso yun, hindi ko ikukuwento,” ani Lacson.

Tumutol din si Sen. Raffy Tulfo at tinawag na “hao siao” o peke ang presentasyon.

“Sana huwag natin gamitin yung plenary para sa conspiracy theories natin sana maging totoo lang tayo,” ani Tulfo.

Kalaunan, hiniling ni Senate President Alan Peter Cayetano kay Marcos na boluntaryong bawiin ang video mula sa Senate records, na kalauna’y pinagbigyan naman ng senadora.

“Sana kapalit niyan ipangako natin lahat sa ating taumbayan na walang term extension na mangyayari at may election sa 2028,” ani Marcos matapos niyang bawiin ang presentasyon. Binawi rin ni Zubiri ang kanyang mosyon. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here