MANILA, Philippines – Positibo pa rin ang Malacañang na maipapasa ang mga priority bill ng administrasyon, at sinabing nakadepende ito sa kakayahan ng Senado sa kabila ng naganap na palit-liderato rito.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, wala namang isyu sa panig ng Malacañang, at sa Senado lamang aniya may isyu.
Matatandaang noong Mayo 11 ay nagkaroon ng pagpapalit sa liderato sa Senado, kung saan napalitan si Senator Vicente “Tito” Sotto III bilang Senate President at ang pumalit sa kanya ay si Senator Alan Peter Cayetano.
“[K]ung maaayos pa ba o magiging ayon sa priority bills ng Pangulo – sa Pangulo po ay wala po tayong issue. Wala po tayong issue dahil kung anong nais ng Pangulo para sa taumbayan iyan po ang nais niyang mangyari,” ang sinabi ni Castro.
“Pero hindi po natin masasagot kung hanggang saan ang kakayahan ng Senado sa ngayon,” aniya pa rin.
Tiniyak pa ni Castro na hindi mag-aalinlangan ang Pangulo na makatrabaho kung sino man ang maluklok bilang Senate President.
“Sila naman po ang mayroong issue sa ngayon. Sa Pangulo po, kung sinuman po ang leader diyan, basta po ang gagawing trabaho ay para sa bayan at sa taumbayan, hindi po mag-aatubili ang Pangulo na makipag-ugnayan sa kanila,” ang winika ni Castro.
“So, hindi po sa Pangulo ang may problema o may issue,” diing pahayag nito.
Sa kabilang dako, inamin ni Castro na hanggang ngayon ay hindi pa sila nakatatanggap ng anumang impormasyon ukol sa Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC) meeting.
Sa nakalipas na LEDAC meeting nitong Pebrero 2026, inaprubahan ni Pangulong Marcos ang 21 priority measures na target na maipasa sa Hunyo.
Kabilang sa mga priority proposals ay ang Travel Tax Abolition; the Expanded Anti-Online Sexual Abuse or Exploitation of Children and Anti-Child Sexual Abuse or Exploitation Materials Act of 2026; Anti-Fake News and Digital Disinformation; at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) Elections.
Ang iba pang priority legislative measures ay ang Anti-Political Dynasty Law; the Citizen Access and Disclosure of Expenditures for National Accountability (CADENA) Act; the Independent People’s Commission Act; at Party-List System Reform Act. (Kris Jose)