MANILA, Philippines – Bahagyang tumaas sa 345,000 ang bilang ng mga walang trabaho sa National Capital Region (NCR) noong 2025 mula sa 321,000 noong 2024, ayon sa paunang resulta ng Labor Force Survey ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay PSA-NCR chief statistical specialist Paciano Dizon, umakyat sa 5.2% ang unemployment rate sa NCR ngayong taon mula sa 4.8% noong 2024, mas mataas kaysa pambansang average na 4.2%. Kabilang ang NCR at CALABARZON sa may pinakamataas na unemployment rate sa bansa.
Sinabi ni Dizon na kabilang sa mga dahilan ng pagtaas ng unemployment ang mga aplikanteng naghihintay pa ng tugon mula sa mga employer at epekto ng masamang panahon at mga bagyo.
“May mga nag-a-apply pero naghihintay ng tawag. Another factor is that in 2025, maraming bagyo ang dumaan, because of bad weather,” he said.
Bahagya namang tumaas sa 6.33 milyon ang bilang ng mga may trabaho sa NCR mula sa 6.31 milyon noong nakaraang taon, bagamat bumaba ang employment rate sa 94.8% mula 95.2%.
Lumaki rin ang labor force sa 6.68 milyon mula sa 6.63 milyon, habang bumaba nang bahagya sa 63.3% ang labor force participation rate.
Bumaba naman sa 384,000 mula 441,000 noong 2024 ang bilang ng underemployed o mga manggagawang naghahanap pa ng dagdag na trabaho o oras ng trabaho. Dahil dito, bumaba rin ang underemployment rate sa 6.1% mula 7.7%.
Sa mga lungsod sa NCR, Pasig City ang may pinakamataas na employment rate na 97.6% at pinakamababang unemployment rate na 2.4%, habang San Juan City naman ang may pinakamababang employment rate na 91.9% at pinakamataas na unemployment rate na 8.1%.
Nanatiling pinakamalaking pinagmumulan ng trabaho ang services sector na may 83.4% ng kabuuang employment, sinundan ng industry sector na may 16.3% at agriculture na may 0.3%. RNT