Home TOP STORIES Dignidad at kredibilidad ng Senado, unti-unti nang nawawala — Goitia

Dignidad at kredibilidad ng Senado, unti-unti nang nawawala — Goitia

36
0

MANILA, Philippines — Ipinahayag ng isang political leader at abogado ang pangamba na unti-unti nang nawawala ang dignidad at kredibilidad ng Senado dahil umano sa umiiral na politika at mga kontrobersiyang bumabalot sa ilang miyembro nito.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, malaki na umano ang ipinagbago ng kasalukuyang Senado kumpara noong panahon nina Jose W. Diokno, Raul Roco, Juan Flavier, Miriam Defensor Santiago, at Franklin Drilon na aniya’y kinilala dahil sa talino, disiplina, at statesmanship.

Naniniwala si Goitia na sa ilalim ng pamumuno ni Senador Alan Peter Cayetano ay mas nakikita na umano ng publiko ang usapin ng political survival kaysa sa tunay na serbisyo publiko. Aniya, hindi umano ginagawang “palabas” noon ang Senado at mas pinapahalagahan ang integridad ng institusyon.

Tinukoy rin niya ang reorganisasyon ng Blue Ribbon Committee matapos italaga si Senador Rodante Marcoleta bilang vice chairman sa kabila ng mga kontrobersiyang iniuugnay rito. Ayon kay Goitia, marami umano ang nagtatanong kung magiging epektibo pa ang komite laban sa korapsyon kung may mga kasapi itong nasasangkot din sa mga alegasyon.

Binanggit din ni Goitia ang usapin kaugnay ng ICC warrant of arrest laban kay Senador Ronald dela Rosa kaugnay ng kasong crimes against humanity. Ayon sa kanya, lumalakas umano ang pananaw ng publiko na mas inuuna ng ilang senador ang pagprotekta sa kanilang political allies kaysa sa pagpapanatili ng integridad ng Senado.

Dagdag pa niya, malinaw umano ang naging mensahe ng Korte Suprema nang ibasura nito ang hiling na temporary restraining order ni Dela Rosa. Binigyang-diin din ni Goitia ang naging pahayag ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa na hindi dapat maging instrumento ng impunity ang hudikatura.

Kinuwestiyon din ni Goitia ang naging pahayag ni Senadora Imee Marcos hinggil sa umano’y planong constitutional assembly. Para sa kanya, inilalabas umano ang ganitong mga isyu sa panahon na tumitindi ang atensyon ng publiko sa ibang kontrobersiya.

Ayon pa kay Goitia, isang malaking kabalintunaan na mas nakikita na umano ngayon ng ilan ang House of Representatives bilang mas organisado at seryosong institusyon kumpara sa Senado.

Samantala, pinuri naman ni Goitia si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. dahil umano sa patuloy nitong pagtutok sa pamamahala at sa mahahalagang usapin ng bansa sa gitna ng umiinit na tensyong pampulitika.

Sa huli, nagbabala si Goitia na humihina ang mga institusyon kapag napapalitan ng political opportunism ang disiplina, statesmanship, at pananagutan. Aniya, mas karapat-dapat umano ang sambayanang Pilipino sa mga institusyong may dangal, kredibilidad, at tunay na malasakit sa bayan.

Si Dr. Jose Antonio Goitia ay Chairman Emeritus ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD), People’s Alliance for Democracy and Reforms (PADER), Liga Independencia Pilipinas (LIPI), at ng Filipinos Do Not Yield Movement (FDNY). Siya ay may hawak na Juris Doctor at Doctor of Philosophy (PhD), gayundin ang mga advanced degree na MNSA, MPA, at MBA, bukod pa sa iba. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here