MANILA, Philippines – Iniimbestigahan ng Philippine National Police (PNP) ang viral na kaso ng umano’y pagdukot sa isang car dealer sa Cebu City na nakuhanan ng CCTV at kumalat sa social media.
Sa video, makikitang sapilitang isinakay ang biktima sa tanghali sa harap ng Miranza Center sa Banilad noong Mayo 11. Natagpuan naman siyang buhay kinabukasan sa Naga, Cebu.
Ayon kay PNP chief Gen. Jose Melencio Nartatez Jr., agad na kumikilos ang pulisya upang matukoy at maaresto ang mga salarin.
“The PNP is treating this reported abduction case with utmost urgency and we are committed to determine the facts and identify those responsible,” ani Nartatez.
Tinutukoy pa ng mga awtoridad kung kidnapping nga ba ang insidente o may kaugnayan sa umano’y sigalot sa transaksyong pinansyal na may kinalaman sa isang PHP1.8-million na bentahan ng sasakyan at PHP150,000 na hindi nabayarang interes.
May natukoy nang person of interest ang pulisya at inaalam din ang posibleng koneksyon sa ilegal na “rent-tangay” at “rent-sangla” na mga transaksyon sa sasakyan.
Posible ring hiwalay na insidente lamang ito at hindi bahagi ng mas malaking kidnapping syndicate, ayon sa paunang pagsusuri.
Nangangalap na rin ang mga yunit ng pulisya sa Central Visayas ng CCTV footage mula sa mga establisimyento at tinutukoy ang posibleng dinaanan ng mga suspek.
Iniutos ni Nartatez sa PRO-7 at Cebu City Police Office na pabilisin ang imbestigasyon at tiyaking maipreserba ang lahat ng ebidensya para sa agarang resolusyon ng kaso. Mary Anne Sapico