Home METRO Lalaking makikilamay sana, pinaglamayan

Lalaking makikilamay sana, pinaglamayan

46
0

MANILA, Philippines – Nasawi ang isang 45-anyos na motorcycle rider na papunta sana sa lamay ng isang kamag-anak matapos masangkot sa banggaan sa Barangay Blumentritt, Murcia, Negros Occidental noong Linggo, Mayo 24.

Kinilala ng pulisya ang biktima na si Reynaldo, residente ng Purok Sunrise, Barangay Blumentritt.

Ayon kay Murcia police chief Police Capt. Honey Labaro, papasok na sa highway mula sa isang subdivision ang biktima nang masalpok ito ng isa pang motorsiklo na minamaneho ng 23-anyos na utility worker mula Barangay Mansilingan, Bacolod City. Posibleng hindi umano napansin ng driver ang biktima.

Matapos ang unang banggaan, tumilapon ang biktima sa kabilang direksyon at nasagasaan pa ng kaliwang gulong sa likuran ng isang trak na minamaneho ng 40-anyos na residente ng Cebu.

Ayon kay Labaro, namatay ang biktima dahil sa tinamong pinsala sa ulo, habang nagtamo ng minor injury ang utility worker.

Dagdag pa niya, nagkaroon na ng paunang pag-uusap ang mga sangkot, at hindi pa nakakapagpasya ang pamilya ng biktima kung magsasampa ng kaso. Palalayain mula sa kustodiya ng pulisya ang utility worker at driver ng trak matapos ang 18-oras na reglementary detention kung walang isasampang kaso. Mary Anne Sapico

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here