MANILA, Philippines – Inaasahan ng House of Representatives na maghahain ng komprehensibong sagot si impeached Vice President Sara Duterte sa mga impeachment complaint laban sa kanya, sa halip na motion to dismiss.
Ayon kay Deputy Speaker Paolo Ortega ng La Union, “We are hoping to receive an answer, not a motion to dismiss,” habang papalapit na ang June 1 deadline ng 10-araw na ibinigay ng Senate impeachment court para sa sagot ng Bise Presidente.
Matapos ang naturang palugit, ang House prosecution panel ay may limang araw na ibibigay ang kanilang komento, na hindi na rin maaaring palawigin.
Giit ni Ortega, ang anumang motion to dismiss o kahilingang ipagpaliban ang paglilitis habang hinihintay ang desisyon ng Korte Suprema ay maituturing na “dilatory tactic” na malabong tanggapin ng impeachment court.
“It will just be a waste of time. We do not think the Senate impeachment court, which has so far acted forthwith on the impeachment case, will allow it,” aniya.
Hinimok din niya si Duterte na tuparin ang nauna nitong pangako na sasagot sa mga paratang sa Senado, at binigyang-diin na hindi ito sumipot sa impeachment proceedings sa Kamara.
“She consistently refused to show up in the House impeachment proceedings. She waited for more than a year since last year’s impeachment process for her trial to take place and to present her answer. She should seize this opportunity so the people can finally hear from her,” ani Ortega.
Kabilang sa mga paratang ang unexplained wealth, hindi pagdedeklara ng ilang assets sa SALN, umano’y pagbabanta laban kina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin Romualdez, pati graft and corruption, bribery sa mga opisyal ng DepEd, at maling paggamit ng pondo ng gobyerno.
Ayon sa House prosecutors, mayroon silang matibay na ebidensya kabilang ang ulat ng Anti-Money Laundering Council tungkol sa mga transaksyon ni Duterte at ng kanyang asawa mula noong siya ay bise alkalde pa ng Davao City hanggang 2024. RNT