BENGUET, Philippines – Nagdadalamhati ang isang komunidad sa Natonin, Mountain Province matapos matagpuang patay ang 3-taong gulang na batang babae na naiulat na nawawala noong Mayo 23.
Kinilala ang biktima na si “Baby Duma”, na kasamang pumunta sa isang pagtitipon sa Banawel Elementary School sa Sitio Batnong, Barangay Banawel, ayon kay Natonin acting police chief Capt. Bea Pulao.
Ayon sa ulat, pinakain ng lola ang bata sa pagtitipon ngunit nawala ito bandang alas-2 ng hapon. Nireport ang insidente sa mga awtoridad bandang alas-5 ng hapon.
Agad na naglunsad ng search and rescue operation ang Philippine National Police at Bureau of Fire Protection na tumagal hanggang madaling araw ng Mayo 24, kasama ang tulong ng mga residente at netizens.
Bandang alas-7:30 ng umaga, natagpuan ang bata na wala nang buhay sa likod ng St. Martin de Porres Chapel sa Sitio Batnong. Dinala siya sa ospital ngunit idineklara nang patay dahil sa traumatic brain injury.
Ayon kay Pulao, may nakitang sugat sa ulo ng bata ngunit hinihintay pa ang resulta ng awtopsiya upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Apdilon Galong na may mga testigo na nagsabing huling nakitang kasama ng bata ang dalawang menor de edad na lalaki na edad 8 at 10.
“Pumunta sila sa isang bahay, tinanong yung parents, kinausap. Then pagkaalis ng mga investigators natin, may nasabi yung bata sa nanay, until such time na sinurrender ng parents sa station,” ani Galong.
Ang dalawang menor de edad ay isinailalim na sa pangangalaga ng Department of Social Welfare and Development para sa counseling.
Patuloy ang panawagan ng pamilya ng biktima ng hustisya, panalangin, at suporta habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. RNT/MND