MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni dating Senate President Franklin Drilon nitong Miyerkules ang hakbang ng Senate majority bloc na amyendahan ang rules ng Senado para payagan ang mga senador na bumoto nang remote o via teleconference. Tinawag niya itong “tyranny of the majority.”
Ayon kay Drilon, ang panukala ay “directly connected” sa impeachment trial ni Sara Duterte at nagbabanta umano sa kredibilidad at kalayaan ng Senado.
“It is now connected to the impeachment trial,” aniya.
“This amendment has very serious implications, which must be exposed and condemned.”
“This is ugly. Bastusan na, as they say. A malicious and grave abuse of discretion I have never seen in the history of the Senate. It must be condemned,” dagdag pa niya.
Giit pa ni Drilon, dapat umanong makialam ang Korte Suprema at ideklarang invalid ang naturang amyenda.
Suportado rin niya ang walkout ng mga minority senators noong Martes ng gabi matapos ang mainit na debate kaugnay ng panukala ni Rodante Marcoleta na baguhin ang Senate Rule 14 para payagan ang mga senador na dumalo at makiboto sa session gamit ang teleconference, video conference, o iba pang electronic means kung may “justifiable reasons.”
Ayon kay Marcoleta, maaaring gumamit ng ICT o communication technology para dito.
Ikinumpara rin ni Drilon ang nangyayari ngayon sa “second envelope” controversy noong impeachment trial ni dating Pangulo Joseph Estrada noong 2001, kung saan nauwi sa walkout ang private prosecutors matapos bumoto ang Senate judges ng 11-10 laban sa pagbubukas ng isang envelope na umano’y may kaugnayan sa “jueteng.”
Dahil dito, sumiklab ang EDSA II na nagpatalsik kay Estrada sa puwesto.
“The (Senate President Alan Peter) Cayetano-Marcoleta cabal should not tempt EDSA 3,” babala pa ni Drilon, na tumutukoy kina Alan Peter Cayetano at Marcoleta. RNT/MND