MANILA, Philippines – Kinuwestiyon ni Senador Risa Hontiveros nitong Miyerkoles ang pagmamadali ng majority na amendahan ang Senate Rules upang makaboto si Senador Ronald “Bato” Dela Rosa na nagtatago ngayon, at makahalok sa sesyon sa pamamagitan ng internet.
Nitong Martes ng gabi, nag-walk out ang miyembro ng minorya bilang protesta sa panukala ni Senador Rodante Marcoleta na payagan ang mga senador na makalahok remotely sa ilalim ng “justifiable” reason.
“Itong nangyayari nitong nakaraang tatlong linggo masamang Senateflix ito kasi mas importante pa ba yung pagpilit [pagbotohan] yung voting by electronic means kaysa yung mga isyu talaga ng ating mga kababayan?” aniya sa interview ng DZMM.
“Tatlong linggo na kaming parang nagpapatintero sa floor sa mga isyu na mas may kinalaman sa aming mga senador. Dapat talaga bumalik sa trabaho namin para sa bayan.”
Sinabi ni Hontiveros na nilisan ng minorya ang plenaryo nitong Martes matapos iginiit ni Marcoleta na amendahan ang Senate rules kahit maraming ‘substantive problems” sa kanyang panukala na hindi pa nadedebatehan.
“The majority group at the time had yet to justify that they were following the proper procedures on amending the Senate Rules and that some of her colleagues in the minority still had questions on the proposal,” aniya.
Iginiit ni Hontiveros na kailangan pagdebatehan ang anumang panukalang amyenda sa Senate Rules sa Senate committee on rules bago ito dalhin sa plenaryo.
Sa panahon ni dating Senador Leila De Lima na nakulong sa panahon ng Duterte administration, ipinanukala ng kanyang kaalyado sa Senado na makalahok siya sa sesyon ng Senado na hindi pinayagan.
Ayon kay Hontiveros: “The difference now is that the Senate Rules were seemingly being amended to allow a senator who refuses to submit to a lawful arrest to continue to legislate, vote, debate, influence public policy, and accept “institutional benefits” even without a physical presence at the chamber.”
“Effectively magga-grant ang Senate ng procedural privilege [sa] hindi abot-kamay ng ordinaryong mamamayan,” aniya.
Taliwas dito, sinabi ni Hontiveros na si De Lima, ngayong miyembro ng Mababang Kapulungan bilang kinatawan ng Mamamayang Liberal partylist, na sa lahat ng pagkakataon, inirespeto ang prosesong legal.
“Unfortunately, yung kasama kong senador ngayon ay nagpapakita ng walang respeto sa legal authority,” aniya. Ernie Reyes