Home METRO Isko, nakiisa sa pagdiriwang ng Eid’l Adha; Maynila kinilalang “2026 Halal Champion”

Isko, nakiisa sa pagdiriwang ng Eid’l Adha; Maynila kinilalang “2026 Halal Champion”

33
0

MANILA, Philippines – Nakiisa si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa pagdiriwang ng Eid’l Adha, isa sa pinakamahalagang okasyon sa pananampalatayang Muslim na sumisimbolo sa sakripisyo, pananampalataya, at pagmamahal sa kapwa.

Sa kanyang mensahe, sinabi ng alkalde na nawa’y magsilbing paalala ang pagdiriwang na ang tunay na paglilingkod ay hindi lamang nasusukat sa salita kundi sa kahandaang magsakripisyo para sa kapakanan ng nakararami.

Binigyang-diin din ni Domagoso na patuloy na isinusulong ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang pagkakaroon ng isang pamahalaang may malasakit, paggalang, at pagkakaisa para sa lahat ng Manileño anuman ang relihiyon, paniniwala, o pinagmulan.

Kasabay nito, kinilala ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila bilang “2026 Halal Champion” dahil sa mga programang sumusuporta sa layunin ng Department of Trade and Industry Halal Industry Development and Promotion Program para sa isang Halal-friendly Philippines.

Personal na iginawad ni DTI-HDPP Program Manager Director Dimnatang Radia ang plake ng pagkilala kay Mayor Isko matapos pagtibayin ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno ang mas pinaigting na suporta para sa pagpapaunlad ng halal industry sa lungsod.

Kabilang sa mga pangunahing programa ng lungsod ang planong pagtatayo ng “Halal Town,” isang nakalaang lugar para sa mga kapatid na Muslim bilang bahagi ng isinusulong na Muslim-friendly Philippines.

Aktibo rin umanong sinuportahan ng lokal na pamahalaan ang pagpapalago ng halal industry sa pamamagitan ng pagsasagawa ng Manila Halal Festival and Trade Fair noong Marso, gayundin ang pagbubukas ng Halal Festival and Industry Forum na ginanap kasabay ng pagdiriwang ng Eid’l Adha sa Kartilya ng Katipunan. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here