ZAMBOANGA DEL SUR, Philippines – Dalawang lalaki ang nasawi matapos ang pamamaril sa loob ng isang mosque sa Purok Malipayon, Barangay Upper Sang-an sa Labangan, Zamboanga del Sur nitong Martes ng gabi, ilang oras bago ang Eid al-Adha.
Kinilala ng pulisya ang mga biktima na isang 41-anyos na negosyante at isang 65-anyos na residente, kapwa mula sa bayan ng Labangan.
Ayon sa imbestigasyon, ang 41-anyos na biktima ay tinamaan ng isang bala sa likod habang ang 65-anyos ay nagtamo ng pitong tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Dinala pa sila sa ospital sa Pagadian City ngunit idineklara silang dead on arrival.
Ayon kay Maj. Marlon Mangan-nay, hepe ng pulisya sa Labangan, nagdarasal ang mga biktima nang biglang pumasok ang apat na hindi pa nakikilalang suspek bandang 7:18 p.m. at pinagbabaril ang mga ito gamit ang short at long firearms.
Tumakas ang mga salarin sakay ng itim na Toyota Vios patungo sa kalapit na bayan ng Tukuran.
Narekober ng mga awtoridad ang mga basyo ng bala at may nakita ring mga bakas ng dugo sa crime scene.
Naglunsad na ng dragnet at hot pursuit operation ang pulisya upang matunton ang mga suspek.
Kinondena ni Col. Bonifacio Arañas Jr., direktor ng pulisya sa Zamboanga del Sur, ang insidente at tinawag itong “senseless act of violence.”
Patuloy namang nananawagan ang mga awtoridad sa publiko na magbigay ng impormasyon upang agad na malutas ang kaso at mapanatili ang kapayapaan sa lugar. RNT/MND