MANILA, Philippines – Tuluyan nang naipagbili ng Bureau of Customs (BOC) ang natitirang mga luxury vehicle na dating iniuugnay sa pamilya Discaya matapos matagumpay nitong maisagawa ang negotiated sale ng mga abandonado at na-forfeit na mga kalakal.
Ayon sa BOC, umabot sa 21 sale lots mula sa iba’t ibang pantalan ang isinailalim sa negotiated sale kabilang ang Port of Manila, Port of Cagayan de Oro, at Manila International Container Port.
Kabilang sa mga ibinentang items ang luxury vehicles, truck replacement parts, steel tubes at iba pang assorted forfeited goods.
Sa kabuuan, limang sale lots ang matagumpay na naibenta kabilang ang isang Volvo XC90 2009 na nagkakahalaga ng ₱70,000 at apat na natitirang sasakyan na konektado umano sa Discaya family.
Kabilang sa mga sasakyang naibenta ang isang 2022 GMC XL Yukon Denali na naibenta sa halagang ₱3.209 milyon, 2021 Cadillac Escalade na ₱3.750 milyon, 2022 Maserati Levante Modena na ₱2.008 milyon, at 2022 GMC Yukon Denali na ₱3.309 milyon.
Tinatayang aabot sa ₱12,346,000 ang kabuuang kikitain mula sa negotiated sale kung saan ₱12,276,000 dito ay mula sa apat na Discaya vehicles.
Sa tuluyang disposal ng mga nasabing sasakyan, sinabi ng BOC na naipagbili na nito ang lahat ng 13 seized Discaya vehicles. Aabot naman sa ₱114,744,884.15 ang kabuuang halaga na maire-remit sa Bureau of the Treasury.
Ayon kay Ariel F. Nepomuceno, sumasalamin ang matagumpay na disposal sa patuloy na pagsusulong ng ahensya ng transparency, accountability, at maayos na pamamahala sa mga na-forfeit na ari-arian ng gobyerno.
Dagdag pa ng opisyal, layunin din nitong matiyak na nagagamit nang maayos ang mga resources ng pamahalaan para sa kapakinabangan ng mamamayang Pilipino.
Sinabi naman ng BOC na bahagi ang negotiated sale ng patuloy nitong kampanya para sa transparent, legal, at episyenteng disposal ng mga abandonado at forfeited goods alinsunod sa umiiral na customs laws at regulasyon.
Ipinunto rin ng ahensya na isinagawa nang live streaming ang negotiated sale upang masaksihan ng publiko at stakeholders ang buong proseso bilang bahagi ng pagpapalakas ng transparency at public accountability sa operasyon ng Aduana.
Gayunman, sinabi ng BOC na mananatiling subject for approval pa rin ng Department of Finance ang negotiated sale alinsunod sa Customs Memorandum Order No. 26-2020. JAY Reyes