PAMPANGA, Philippines – Bumisita noong Mayo 27 si SILG Juanito Victor Remulla Jr. sa gumuhong 9-palapag na gusali sa Barangay Balibago, Angeles City kasama si PRO3 Director PBGEN Jess B. Mendez upang personal na inspeksyunin ang nagpapatuloy na retrieval at clearing operations sa lugar.
Layunin ng pagbisita na masuri ang sitwasyon at tiyakin ang koordinasyon ng mga ahensya para sa kaligtasan ng publiko at maayos na emergency response.
Mula pa noong Mayo 25, may kabuuang 558 tauhan mula sa Police Regional Office 3, Bureau of Fire Protection, at iba pang ahensya ang ipinadala upang tumulong sa retrieval, clearing operations, traffic management, at seguridad sa lugar ng insidente.
Binigyang-diin ni Mendez ang kahalagahan ng pagkakaisa at koordinasyon ng mga responders upang mapanatili ang kaligtasan ng mga apektadong residente at rescue personnel.
“Nananatili kaming lubos na nakatuon sa pagsuporta sa lahat ng patuloy na pagsisikap sa pagkuha at paglilinis kasama ang aming mga kasosyong ahensya. Ang aming mga tauhan sa lugar ay patuloy na walang pagod na nagtatrabaho upang matiyak ang kaligtasan, mapanatili ang kaayusan, at magbigay ng agarang tulong sa mga naapektuhan. Ito ay bahagi ng aming patuloy na pangako sa ‘Serbisyong Mabilis, Tapat, at Nararamdaman’ ng aming PNP Chief Jose Melencio C. Nartatez Jr.,” ayon kay Mendez.
Patuloy naman ang koordinasyon ng PRO3 sa mga lokal na awtoridad at iba pang partner agencies habang nagpapatuloy ang operasyon sa lugar. VAL LEONARDO







