GENEVA, Switzerland – Iniulat ng World Health Organization na umakyat na sa 13 ang kaso ng Hantavirus na konektado sa MV Hondius cruise ship outbreak.
Ayon kay Tedros Adhanom Ghebreyesus, may bagong kaso na naiulat sa Spain mula sa mga pasaherong naka-quarantine.
“Spain reported a new case among the passengers who are in quarantine, which brings the total number of cases to 13,” ani Tedros sa kanyang post sa X.
Sa kabuuang kaso, tatlo na ang nasawi, ngunit wala nang nadagdag na pagkamatay mula pa noong Mayo 2.
“The situation remains stable. Passengers who got sick are receiving needed care, while others remain in quarantine,” dagdag niya.
Sa nakalipas na dalawang linggo, nakababa na mula sa MV Hondius luxury liner ang lahat ng natitirang pasahero, crew members, at medical staff.
Ang hantavirus ay virus na karaniwang dala ng mga daga at maaaring makahawa sa tao at magdulot ng sakit. Tinatayang may 10,000 hanggang 100,000 kaso nito sa buong mundo bawat taon, ayon sa WHO, at nag-iiba ang tindi depende sa uri ng virus. RNT/MND