MANILA, Philippines – Pinuna ni Deputy Speaker Janette Garin si Cavite 4th District Rep. Francisco Barzaga, at sinabing tila mas nakatuon ito sa pagkuha ng followers sa social media kaysa sa pagtupad sa tungkulin bilang mambabatas.
Sa isang online interview, sinabi ni Garin na ang “meow meow vlogs” at online na kilos ni Barzaga ay nagpapakita umano ng kakulangan sa seryosong pagtingin sa trabaho sa House of Representatives.
“In other words, he’s not really serious doon sa kanyang trabaho. He looks at it as a game,” ani Garin.
Dagdag pa niya, mas inuuna umano ng mambabatas ang pagbuo ng online popularity kaysa sa legislative work.
“He doesn’t want to seriously work as a legislator. Doon lang siya sa kung saan siya magkakaroon ng maraming followers,” dagdag niya.
Si Barzaga, na may 1.6 milyong followers sa kanyang official Facebook page, ay kilala sa pagpo-post ng maiikling vlogs kung saan tinatawag niya ang plenary ng Kamara na “crocodile farm” at naglalabas ng mga pahayag laban sa kapwa mambabatas.
Nahaharap ang mambabatas sa iba’t ibang reklamo sa House Committee on Ethics and Privileges at nakapagsilbi na ng dalawang 60-day suspension na walang sahod dahil sa disorderly conduct at mga online post na itinuturing na mapanira o nakakapukaw ng kaguluhan.
Hindi pa nailalabas ni Ethics panel chair JC Abalos ang rekomendasyon ng komite sa plenaryo, na ayon sa ulat ay maaaring gawin bago ang sine die adjournment ng Kamara sa Hunyo 3. Kailangang aprubahan ito ng plenaryo para maisakatuparan.
Si Garin, na isa sa mga complainant, ay nagsabing nakapaglabas na ng rekomendasyon ang ethics panel sa pinakahuling kaso ni Barzaga, na posibleng magresulta sa expulsion.
Nauna nang iniugnay ni Garin sa kanyang reklamo si Barzaga sa umano’y maling paratang laban sa kanya, sa kanyang anak, at kay House Senior Deputy Majority Leader at Iloilo 3rd District Rep. Lorenz Defensor kaugnay ng pagkamatay ng isang vice mayor dahil sa aksidenteng pagpapaputok ng baril.
Ayon kay Garin, malinaw sa naunang suspension orders na ang paulit-ulit na paglabag ay maaaring magdulot ng mas mabigat na parusa, kabilang ang expulsion. RNT