MANILA, Philippines – Inihayag ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na itutuloy ng Solid Bloc 11 ang panibagong pagbabago sa liderato ng Senado upang mailuklok si Senador Win Gatchalian kapalit ni Senate President Alan Peter Cayetano sakaling makakuha ng sapat na numero.
Sa pahayag, sinabi ni Pangilinan na si Gatchalian ang kailangan ng Mataas na Kapulungan upang maging susunod na Senate President upang tumatag at mapagkaisa ang mga miyembro sa gitna ng lumalalang kontrobersiya at tensiyong pulitikal na nakaaapekto sa institusyon.
Naniniwala ang beteranong mambabatas na mayroon si Gatchalian ng karanasan, propesyonalismo, at pagtitimpi na kailangan upang akayin ang Senado sa lahat ng hamon at makatulong sa pagpapanatili ng pagtitiwala ng publiko sa Kapulungan.
“Sabi nga nila, in politics, one day is a long time. So, we will see. Tuloy-tuloy ang pagsusuyo and we really believe Senator Win Gatchalian is an excellent choice,” aniya sa ginanap na Zoom interview hinggil sa posibilidad na ihalal si Gatchalian bilang bagong Senate President sa gitna ng sigalot, kabilang ang barilan kamakailan.
“His leadership will have stabilized the Senate at yung kanyang sipag, at acceptable naman siya sa napakarami nating kapwa senators. Yun ang ating gusto (natin) mangyari para ma-stabilize ang Senate (at) magbalik ang tiwala,” ani Pangilinan sa hiwalay na radio interview.
Tiniyak ng senador na nasa likod nito ang Solid Bloc 11 (SB 11), na tumutukoy sa minorya ng Senado, para kay Gatchalian na posibleng kapalit ni Cayetano.
“Gatchalian has proven his mettle as the chairman of the Senate Committee on Finance, who ensured transparency in the 2026 national budget after the flood control controversy,” ayon kay Pangilinan.
Pinasalamatan din ng senador si Gatchalian sa pagsusulong ng mas mataas na badyet para sa agrikultura simula noong 2010.
“We are united and we know madami din naniniwala at humahanga sa kanya sa majority, so baka sakali may ilan sa kanila makumbinsi,” ani Pangilinan.