MANILA, Philippines – Iniulat ng Philippine National Police – Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG) na umabot sa 32 indibidwal ang naaresto dahil sa online libel mula Enero 1 hanggang Mayo 15, 2026, habang 276 kaso naman ang isinangguni para sa prosecution sa kaparehong panahon.
Sa pahayag ng PNP, ang mga naaresto ay nahaharap sa kaso sa ilalim ng Republic Act 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012, na nagtatakda ng parusang mas mabigat ng isang antas kumpara sa tradisyunal na libel sa ilalim ng Revised Penal Code.
Ang online libel ay tumutukoy sa publiko at malisyosong pagpaparatang ng krimen, bisyo, depekto, o anumang gawaing maaaring magdulot ng kahihiyan o pagkasira ng reputasyon na ginagawa sa pamamagitan ng information and communication technology.
Ayon sa PNP-ACG, isinagawa ang mga pag-aresto at case referrals ng kanilang special operating units at mga cyber response team sa rehiyon, probinsya, lungsod, at distrito sa buong bansa.
“Ang social media ay isang makapangyarihang instrumento ng komunikasyon, ngunit kaakibat nito ang pananagutan. The PNP will remain firm in enforcing the law habang tinitiyak natin na ang karapatan ng bawat isa ay nirerespeto,” pahayag ni PNP chief Police General Jose Melencio Nartatez Jr. Santi Celario