MANILA, Philippines – Sinuspinde muna ang tree-cutting activities na may kaugnayan sa 40.62-kilometrong Southern Access Link Expressway (SALEX), ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Ayon kay Environment Secretary Juan Miguel Cuna, ang pansamantalang pagtigil ay pinagkasunduan kasama ang San Miguel Corporation habang muling tinitingnan ng mga eksperto kung may mga puno pang maaaring iligtas sa pamamagitan ng relocation o pag-aangkop ng disenyo ng proyekto.
Layunin ng hakbang na bigyang-daan ang reassessment ng mga punong sakop ng aprubadong plano ng proyekto, kasunod ng mga reklamo ng publiko kaugnay ng pagputol ng mga puno sa Quirino Avenue sa Maynila at epekto nito sa urban heat conditions.
Giit ni Cuna, walang gustong pumutol ng puno, kabilang ang ahensya, ngunit tungkulin umano ng DENR na maglabas ng tree-cutting permits alinsunod sa mga regulasyong pangkalikasan.
Ipinaliwanag din niya ang tinatawag na “mitigation hierarchy,” na nagsisimula sa avoidance, kasunod ang minimization kabilang ang paglilipat ng puno sa pamamagitan ng earth-balling, bago isaalang-alang ang pagputol.
Bilang bahagi ng mitigation measures, sinabi ni Cuna na ang 50,700 seedlings na nakatakdang ipalit sa mga naputol na puno ay ilalaan sa Maynila, kabilang ang Intramuros, Mehan Garden, dating Post Office area, at mga center island sa lungsod.
Aminado siya na sensitibong usapin ang pagputol ng mga puno, ngunit iginiit na kinakailangan ito kasabay ng pagpapatuloy ng mga proyektong imprastraktura. Santi Celario