MANILA, Philippines – Maari pang mapakinabangan ang mga naputol na mga puno sa kahabaan ng Quirino Avenue sa Maynila.
Sa Kapihan sa Manila Bay, sinabi ni Department of Environment and Natural Resources (DENR) Acting Secretary Juan Miguel Cuna na nakikipag-ugnayan na sila sa Department of Education (DepEd) para gawing upuan at lamesa ang mga kahoy mula sa pinutol na mga puno.
Ayon pa kay Cuna, tulong din ito ng ahensya sa DepEd para matugunan ang kakulangan ng upuan sa mga paaralan sa bansa.
Sa kasalukuyan, 245 na ang naputol na puno sa kahabaan ng Quirino Ave. mula sa kabuuang 617 na inaasahang aalisin para bigyang-daan ang konstruksyon ng Southern Access Link Expressway na kokonekta sa Metro Manila Skyway Stage 3.
Nasa 27 puno naman ang na-earth ball mula sa 94 na natukoy na bubunutin at ililipat sa Intramuros, The Hidden Garden, at Philippine Center Island.
Una nang sinabi ni Cuna na mabigat na tungkulin ng DENR ang mag-isyu ng tree cutting permit.
Ang hakbang ay upang bigyang-daan ang mga proyekto ng Southern Access Link (SALEX) na magbebenepisyo ang taumbayan sa hinaharap. (Jocelyn Tabangcura-Domenden)