Home HOME BANNER STORY Unang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas, ginunita sa Cavite

Unang pagwagayway ng watawat ng Pilipinas, ginunita sa Cavite

110
0
oplus_131072

MANILA, Philippines – Muling ginunita ang makasaysayang tagumpay ng mga Pilipino laban sa mga Kastila sa paggunita ng ika-128 anibersaryo ng Labanan sa Alapan ngayong Mayo 28, 2026 sa Dambana ng Pambansang Watawat Heritage Park sa Alapan 2B, Imus City.

Pinangunahan ni Cavite Governor Francisco Gabriel Remulla ang seremonya bilang panauhing pandangal, kasama sina Senator JV Ejercito, DILG Secretary Juanito Victor Remulla, NHCP Chair Regalado Trota Jose Jr., Imus Mayor Alex L. Advincula, Congressman Adrian Jay Advincula, at Vice Mayor Homer Saquilayan.

oplus_131104

Ayon sa National Historical Commission of the Philippines (NHCP), ang pagdiriwang ang magsisilbing hudyat ng National Flag Days at pagsisimula ng selebrasyon para sa Araw ng Kalayaan 2026.

Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, noong Mayo 28, 1898, matagumpay na tinalo ng mga rebolusyonaryong Pilipino sa pamumuno ni Heneral Emilio Aguinaldo ang mga puwersang Kastila sa Alapan, Imus, Cavite matapos siyang bumalik mula sa pagkakatapon sa Hong Kong.

Dahil sa tagumpay na ito, unang iwinagayway ni Aguinaldo ang bagong watawat ng Pilipinas na tinahi ni Marcela Mariño de Agoncillo sa Hong Kong.

Ipinakita ito sa publiko sa Teatro Caviteño sa Cavite City bilang simbolo ng paglaya ng bansa.

Ang nasabing watawat na may bughaw at pulang kulay, puting tatsulok, araw na may walong sinag, at tatlong bituin ang naging batayan ng kasalukuyang pambansang watawat ng Pilipinas.

Hinikayat naman ng NHCP ang publiko na makiisa sa pagdiriwang sa pamamagitan ng paglalagay at pagwagayway ng watawat ng Pilipinas mula Mayo 28 hanggang Hunyo 12 bilang paggunita sa kasarinlan ng bansa.

Patuloy namang isinusulong ng NHCP ang pagpapalaganap ng kasaysayan ng Pilipinas sa pamamagitan ng mga museo, pananaliksik, publikasyon, at pangangalaga sa mga makasaysayang lugar sa bansa. (Margie Bautista)

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here