KABAYAN, Benguet — Limang katao, kabilang ang dalawang bata, ang nasawi habang 22 naman ang nasugatan matapos tumaob ang isang six-wheel truck na may sakay na 39 pasahero sa kalsada sa Sitio Guay, Barangay Poblacion, nitong Huwebes ng umaga, Mayo 27.
Ayon sa mga awtoridad, nawalan umano ng kontrol ang sasakyan bandang alas-10 ng umaga dahil sa pinaghihinalaang mechanical failure habang binabagtas ang pababang kurbadang bahagi ng Congressman Andres Acop Cosalan National Road.
Kabilang sa mga nasawi ang isang tatlong taong gulang na batang lalaki, 11 taong gulang na batang lalaki, isang 49-anyos na lalaki, at dalawang adultong lalaki na hindi pa kumpirmado ang pagkakakilanlan.
Sampung pasahero ang nagtamo ng malubhang pinsala tulad ng head trauma at bali ng buto at dinala sa Dennis Molintas District Hospital sa Bokod, Benguet.
Labindalawa pang pasahero, kabilang ang driver, ang nasugatan nang bahagya at ginamot sa Kabayan Rural Health Unit, habang 12 iba pa ang hindi nasaktan at pansamantalang isinilong sa mga lokal na pasilidad.
Ayon sa pulisya, galing sa Sitio Ambacbac sa Barangay Lukib, Bauko, Mountain Province ang trak. Patuloy pa ang imbestigasyon sa insidente. Mary Anne Sapico