BADOC, Ilocos Norte — Isang 56-anyos na balikbayan ang nasawi matapos pagbabarilin ng dalawang lalaking sakay ng motorsiklo habang naglalakad kasama ang kanyang asawa sa Barangay Aring nitong Miyerkules ng hapon, Mayo 27.
Ayon kay Badoc police chief Police Capt. Elison Pasamonte, nagtamo ng maraming tama ng bala ang biktima at idineklarang patay sa ospital. Hindi naman nasaktan ang kanyang asawa sa insidente.
Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang tatlong basyo ng bala ng .45 caliber. Sinabi ng pulisya na may ilang anggulong tinitingnan at persons of interest, ngunit hindi muna ito isiniwalat upang hindi maapektuhan ang imbestigasyon.
Ayon sa ulat, madalas umanong bumibisita sa Pilipinas ang biktima at kanyang asawa matapos magretiro sa trabaho sa Hawaii. Mary Ann Sapico