CALASIAO, Pangasinan — Isang 31-anyos na barangay kagawad ang nasawi matapos pagbabarilin sa loob ng barangay hall sa Poblacion East nitong Miyerkules, Mayo 27.
Ayon sa pulisya, nasa duty ang biktima nang dumating ang isang suspek at agad siyang pinaputukan. Saglit umanong nagkaproblema ang baril ng suspek, dahilan para makatakbo ang biktima patungo sa kusina at palabas ng gusali.
Gayunman, hinabol pa rin siya ng suspek at pinagbabaril, na tumama sa katawan at ulo ng biktima. Tumakas ang suspek sakay ng puting motorsiklo na minamaneho ng isang kasabwat patungo sa Magsaysay Bridge.
Dinala pa sa ospital ang biktima ngunit idineklarang patay. Narekober sa pinangyarihan ang apat na basyo ng bala at isang bala ng kalibre .45.
Ayon sa pulisya, nagsagawa na ng case conference ang Calasiao police para mapabilis ang pagkakakilanlan ng mga suspek, habang iniutos ng Pangasinan police ang mas pinaigting na manhunt, CCTV backtracking, at intelligence gathering upang maresolba ang kaso.