MANILA, Philippines – Sinabi ni Interior Secretary Juanito Victor “Jonvic” Remulla na nakipag-usap na siya kay Senator Jinggoy Estrada kaugnay ng mga posibleng opsyon para sa senador, kasunod ng inaasahang pag-isyu ng warrant of arrest ng Sandiganbayan matapos magsampa ng plunder at graft cases ang Office of the Ombudsman.
Kinasuhan si Estrada dahil sa umano’y ilegal na budget insertions sa Department of Public Works and Highways (DPWH) kaugnay ng flood control projects scandal, pati na rin sa sinasabing iligal na payouts na umaabot sa ₱573 milyon.
Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang mga kaso ay nag-ugat sa “an intricate mechanism involving illegal budgetary insertions and project allocations within the DPWH infrastructure portfolio for fiscal year 2025.”
Dagdag pa niya, “substantial public funds were deliberately funneled into designated infrastructure projects in exchange for predetermined commission fees or kickbacks,” at ang mga rekord ng kaso ay tumutukoy sa “an accumulated sum of illicit payouts amounting to an aggregate sum of over P573 million, which were systematically delivered to the principal respondent, Senator Jinggoy Estrada.”
Ayon kay Remulla, nakausap na niya si Estrada ngunit tumanggi siyang ibunyag ang detalye ng kanilang pag-uusap.
“Talked to him already. I gave him options, and he said he will think about it,” aniya sa mga mamamahayag, at idinagdag na mananatiling pribado ang mga opsyon hanggang sa tanggapin o tanggihan ito ni Estrada.
Para naman kay Estrada, sinabi niyang “exhaust all legal remedies” ang kanyang gagawin upang kuwestiyunin ang mga kaso, at iginiit ang umano’y procedural irregularities at hindi pagsasaalang-alang sa mga ebidensiyang pabor sa kanya.
Binanggit din niya ang liham mula sa Senate Legislative Budget Research and Monitoring Office (LBRMO) na nagsasabing wala siyang ginawang budget insertions sa 2025 national budget. Santi Celario