MANILA, Philippines – Sinabi ni Senate Minority Leader Panfilo “Ping” Lacson na patuloy na tututulan ng Senate minority bloc ang panukalang amyenda sa Senate Rules na magpapahintulot sa mga senador na dumalo at bumoto sa pamamagitan ng teleconferencing, at posible pa umanong idulog ito sa Korte Suprema.
Ayon kay Lacson, muling tatalakayin ang usapin sa susunod na linggo at “keep debating” ang gagawin ng minority senators, na may posibilidad ding magpanukala ng mga amyenda. Ang panukala ni Sen. Rodante Marcoleta ay layong payagan ang mga senador na may “justifiable” na dahilan na makilahok sa sesyon kahit hindi pisikal na nasa plenaryo.
Iginiit ng minority bloc na dapat munang i-refer sa Committee on Rules ang anumang amyenda sa rules bago ito talakayin sa plenaryo. Ayon kay Lacson, kung itutuloy ng majority ang botohan nang hindi dumadaan sa tamang proseso, posibleng matalo ang minority dahil sa “tyranny of numbers,” kaya’t maaari nilang ikonsidera ang legal na hakbang.
“Basta’t may grave abuse of discretion puwedeng pumasok ang Supreme Court,” ani Lacson, at idinagdag na maaaring pumasok ang Korte Suprema sa mga kasong may ganitong isyu, bagama’t maaari rin nitong piliing huwag makialam sa internal affairs ng Senado.
Nauna rito, nagsagawa ng walkout ang minority senators sa plenaryo bilang pagtutol sa pagboto sa panukala ni Marcoleta, dahil sa umano’y mga hindi pa natatalakay na isyu. Dahil dito, naapektuhan ang quorum ng sesyon matapos ang pag-alis ng ilang senador na kaalyado ng majority.
Nanatili naman sa plenaryo si Minority Leader Vicente “Tito” Sotto III at nagmosyon na i-adjourn ang sesyon matapos makitang kulang ang quorum na nangangailangan ng hindi bababa sa 13 senador. RNT