MANILA, Philippines – Hindi bababa sa 51 lugar sa bansa ang inaasahang makararanas ng “danger” level na heat index sa Biyernes, Mayo 29, 2026, ayon sa state weather bureau PAGASA.
Tinatayang aabot mula 42°C hanggang 47°C ang heat index sa ilang bahagi ng bansa.
Pinakamataas na 47°C ang inaasahan sa Casiguran, Aurora at Sangley Point sa Cavite City, Cavite. Samantala, 46°C ang posibleng maitala sa Aparri at Tuguegarao City sa Cagayan; Baler (Radar), Aurora; San Ildefonso, Bulacan; Dagupan City, Cagayan; DMMSU Bacnotan, La Union; ISU Echague, Isabela; Iba, Zambales; Clark Airport (DMIA), Pampanga; CLSU Muñoz, Nueva Ecija; Cubi Pt., Subic Bay, Olongapo City; Coron, Palawan; at San Jose, Occidental Mindoro.
Nasa 45°C naman ang inaasahan sa Science Garden sa Quezon City, Metro Manila; Sinait, Ilocos Sur; Laoag City at MMSU Batac sa Ilocos Norte; TAU Camiling at Hacienda Luisita sa Tarlac; Tayabas City sa Quezon; Ambulong sa Tanauan, Batangas; Infanta, Quezon; Cuyo, Palawan; Roxas City, Capiz; Dumangas, Iloilo; Dumaguete City, Negros Oriental; at Surigao City, Surigao del Norte.
Aabot sa 43°C ang heat index sa NAIA Pasay City; Calayan, Cagayan; Alabat at Mulanay sa Quezon; NAS-UPLB sa Los Baños, Laguna; Masbate City; CBSUA-Pili, Camarines Sur; Mambusao, Capiz; Panglao International Airport sa Bohol; Borongan at Guiuan sa Eastern Samar. Nasa 42°C naman ang inaasahan sa NVSU Bayombong, Nueva Vizcaya; Daet, Camarines Norte; Legazpi City, Albay; Virac, Catanduanes; Juban, Sorsogon; Iloilo City; Catbalogan, Western Samar; VSU-Baybay, Leyte; Dipolog, Zamboanga del Norte; Hinatuan, Surigao del Sur; at Butuan City, Agusan del Norte.
May karagdagang 24 pang lugar ang nasa “extreme caution” level na may 35°C hanggang 41°C na heat index, habang ang mga lugar na may “not hazardous” na kondisyon ay kinabibilangan ng Baguio City (26°C), BSU La Trinidad sa Benguet (26°C), at Benguet Radar sa Tuba, Benguet (20°C).
Ang heat index ay tumutukoy sa init na nararamdaman ng katawan batay sa pinagsamang temperatura ng hangin at halumigmig. Paalala ng PAGASA, kapag mataas ang humidity ay bumabagal ang pagsingaw ng pawis kaya mas nahihirapan ang katawan na magpalamig.
Hinikayat din ang publiko na limitahan ang pananatili sa labas, gumamit ng payong o sombrero, uminom ng maraming tubig, at iwasan ang tsaa, kape, at softdrinks. Santi Celario