ILANG tulog na lang, pasukan na ulit sa mga iskul.
Sa pagsubaybay natin sa gastusin ng mga bata, ang pagtaas ng presyo ng lahat ng pangangailangan ang klarong nagaganap.
Daranasin lahat ng ito sa public at private schools.
MULA ULO HANGGANG PAA
Alalahaning ginagastusan ang mga bata mula paa hanggang ulo at mula sa bahay hanggang iskul pabalik.
Mula sapatos para sa paa, kailangan din ang mga palda o pantalon bilang uniporme at magkaiba pa ang uniporme para sa sports.
Ang sapatos lang, nagkakahalaga ito ng nasa P200 hanggang P500 o kaya’y hanggang P1,500 at may medyas pa.
Ang pantalon o palda, nagkakahalaga ang mga mumurahin ng P120-P300 habang ang pang-itaas, maaaring ganito rin ang presyo depende sa laki ng bata.
May mga local government unit na nagbibigay ng ilang gamit sa iskul, kasama ang bag.
Pero paano ang higit na nakararaming nasa lugar na walang ayuda ang mga LGU?
Mahal ang lapis at bolpen, mahal ang sari-saring papel at notebook, mahal ang art paper at iba pang mga gamit.
Paano kung may anak kang nasa elementartya, junior at senior high school at kolehiyo?
HABANG TUMATAAS
Kahit libre sa tuition ang mga papasok sa public school, ang daming gastos habang tumataas ang kanilang antas sa iskul gaya ng junior at senior high school at kolehiyo.
May mga gastos sa mga aktibidad sa sports at sosyalan gaya ng junior-seniors prom, gamit sa mga experiment at laboratory, pagluwas-luwas sa mga pinupuntahang konektado sa mga aralin, on-the-job training at iba pa.
Mabuti kung magtatagal ang mga gamit sa loob ng isang semestre o isang taon.
Ang mga nasa private school, tinitiis na lang ng mga magulang ang bawat gastos na idinikikta ng mga eskwela.
OUT-OF-SCHOOL
Ang dami at taas ng gastusin ang dahilan kung bakit milyon-milyong kabataan ang hindi nakapapasok sa mga iskul at karaniwang galing sila sa mahihirap na pamilya at nadadamay maging ang mga nasa ibabang antas ng middle class.
Ayon sa Philippine Statistics Authority, may kabuuang OSCY (Out-of-School Children & Youth) na 10,705,286.
Binubuo ang mga ito ng edad 5 hanggang 24.
Nakalulungkot isiping pinakalaking bilang ng OSCY mga nagkakaedad ng 20-24 (68.5%), at sumusunod dito ang edad 15-19 (15.6%), edad 5-9 (12.3%), at edad 10-14 (3.7%).
Ang laki niyan kumpara sa taunang nasa 27 milyon pumapasok taon-taon na mula sa kinder hanggang kolehiyo.
LALONG LALALA
Dahil sa sobrang dami ngayon ng gastusin sa pagpapaaral, malawakang kahirapan at sobrang pagtataas ng presyo ng mga gamit sa iskul, hindi imposibleng lalong lalala ang kalagayang OSCY.
Dito natin tuloy naisip ang mga naglalakihang korapsyon at pandarambong sa mga pondong bayan, kasama ang para sa mga kabataan at mag-aaral.
Kaya masasabi nating, hindi sana ganito kalungkot ang kalagayan ang mga kabataan at mag-aaral kung hindi ninanakaw ang trilyon-trilyong pondo ng gobyerno ng mga korap at mandarambong.
Kailan kaya natin ganap na madudurog ang korapsyon at mandarambong upang umangat ang kalagayan ng mga kabataan at mag-aaral na tiyak sanang makatutulong sa pagbangon ng hirap na hirap nating bayan?






