Home NATIONWIDE 18 sugatan sa salpukan ng modern jeep at armored van sa QC

18 sugatan sa salpukan ng modern jeep at armored van sa QC

38
0

MANILA, Philippines – Sugatan ang hindi bababa sa 18 katao matapos magsalpukan ang isang modern jeepney at armored van sa Quezon Avenue corner Miriam Defensor Santiago Avenue sa Quezon City nitong madaling araw ng Biyernes.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), nangyari ang aksidente bandang 5:11 a.m. sa westbound lane ng Quezon Avenue na nagdulot ng pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Isa sa mga pasahero ang na-trap sa loob ng tumaob na modern jeepney ngunit agad namang nailigtas ng mga responder.

Batay sa ulat ng Super Radyo dzBB, dinala ang mga nasugatan sa Quezon City General Hospital, East Avenue Medical Center, at National Kidney and Transplant Institute para malapatan ng lunas.

Ayon sa konduktor ng modern jeepney, nasa 20 katao kabilang ang driver at konduktor ang sakay ng sasakyan nang mangyari ang insidente.

Sinabi naman ni Lt. Col. Brian Jaime, hepe ng Quezon City Police District-Traffic Enforcement Unit, na rerepasuhin ng mga awtoridad ang CCTV footage upang matukoy ang sanhi ng banggaan dahil kapwa sinisisi ng dalawang driver ang isa’t isa.

Inihayag ng MMDA na naalis na ang mga sangkot na sasakyan at nagsagawa rin ng clearing operations upang alisin ang mga basag na salamin at debris sa kalsada.

“As of 6:52 AM, Quezon Avenue-Agham Road intersection (westbound) is now fully cleared and open to vehicular traffic,” ayon sa MMDA. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here