Home NATIONWIDE US at Iran nagkasundo sa pagpapalawig ng tigil-putukan; pirma na lang ni...

US at Iran nagkasundo sa pagpapalawig ng tigil-putukan; pirma na lang ni Trump kulang

38
0

WASHINGTON – Nagkasundo ang Estados Unidos at Iran sa isang kasunduan sa prinsipyo para palawigin ang umiiral na ceasefire at paluwagin ang mga restriksyon sa pagdaan ng mga barko sa Strait of Hormuz, ayon sa mga ulat, ngunit kailangan pa itong aprubahan ni U.S. President Donald Trump at kumpirmahin ng Iran.

Sa ilalim ng panukalang kasunduan, palalawigin ang tigil-putukan ng karagdagang 60 araw habang nagpapatuloy ang negosasyon sa mga pangunahing isyu, kabilang ang nuclear program ng Iran. Papayagan din ang malayang pagdaan ng mga barko sa mahalagang ruta at mababawasan ang ilang sanctions ng U.S. sa oil exports ng Iran.

Ayon sa mga source, hindi pa pinal ang kasunduan. “We’re not there yet, but we’re very close and we’re going to keep on working at it,” sinabi ni U.S. Vice President JD Vance.

Ang Strait of Hormuz ay isa sa pinakamahalagang daluyan ng pandaigdigang suplay ng enerhiya kung saan dumaraan ang humigit-kumulang isang-kalimang bahagi ng langis at liquefied natural gas sa mundo. Dahil sa ulat ng posibleng kasunduan, bumaba ang presyo ng langis sa merkado.

Ang mga ulat ay kasunod ng ilang buwang tensyon at palitan ng atake sa pagitan ng dalawang bansa, kabilang ang drone at missile incidents sa rehiyon. Sinabi ng U.S. na defensive ang kanilang operasyon habang nagbabala naman ang Iran na gaganti kung magpapatuloy ang mga pag-atake.

Sa kabila ng pag-usad ng usapang pangkapayapaan, nananatiling malayo pa rin ang dalawang panig sa mga pangunahing kondisyon—kabilang ang hiling ng Iran na alisin ang sanctions at bawiin ang presensya ng U.S. forces, habang iginiit naman ng Washington ang pag-dismantle ng nuclear program ng Iran.

Itinuturing ang posibleng pag-extend ng ceasefire bilang pinakamalaking hakbang tungo sa de-escalation mula nang magsimula ang labanan noong Pebrero, ngunit nananatiling hindi tiyak ang pinal na kasunduan. Dave Baluyot

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here