SA bawat trahedyang may kaugnayan sa konstruksyon at paggawa, paulit-ulit ding nabubuhay ang tanong: bakit tila saka lamang nagigising ang lahat kapag may nasawi na? Ang pagbagsak ng gusali sa Pampanga ay isa na namang masakit na paalala na ang Occupational Safety and Health ay hindi dapat itinuturing na simpleng requirement lamang sa papel kundi isang seryosong obligasyon upang maprotektahan ang buhay ng mga manggagawa.
Kapansin-pansin ang mabilis na aksyon ni Acting Labor Secretary Francis “Tol” Tolentino sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan. Ipinakita nito na may kahandaan ang pamahalaan na imbestigahan at pananagutin ang mga posibleng nagpabaya. Ngunit higit sa agarang reaksyon, mas mahalaga ang pangmatagalang reporma upang hindi na maulit ang ganitong sakuna. Nakakalungkot isipin na sa kabila ng umiiral na OSH Law at mga implementing rules tulad ng Department of Labor and Employment Order 252-25, marami pa ring kakulangan sa implementasyon nito sa mismong mga lugar ng trabaho.
Sa dami ng construction projects, pabrika, at iba pang establisimyento sa bansa, tila hindi sapat ang kasalukuyang sistema ng monitoring at inspeksiyon. Madalas, nagiging aktibo lamang ang pagpapatupad kapag may aksidente nang naganap. Isa sa pinakamahalagang hakbang na dapat isaalang-alang ay ang pagdaragdag ng labor inspectors at pagbibigay-akreditasyon sa mga independent OSH auditing companies o professionals na maaaring tumulong sa regular na pagmomonitor ng compliance.
Kailangang matiyak na hindi lamang “compliant” sa dokumento ang isang proyekto kundi tunay na ligtas para sa mga manggagawa araw-araw. Mahalaga rin ang mahigpit na pagpapatupad ng regular na hazard identification, risk assessment and control o HIRAC, daily OSH reports, at mandatory updating ng inspection checklists.
Hindi dapat ito ginagawa lamang kapag may inspeksyon o kapag may trahedya nang naganap. Bukod dito, kinakailangan ding palakasin ang safety training ng mga engineers, contractors, supervisors, safety officers, at mismong mga manggagawa. Ang sapat na kaalaman sa hazard prevention at emergency response ay maaaring magligtas ng buhay.
Dapat ding higpitan ang parusa sa mga paulit-ulit na lumalabag sa OSH standards. Kung kinakailangan, dapat magkaroon ng criminal liability laban sa mga mapatutunayang nagpabaya—maging ito man ay may-ari, manager, supervisor, o sinumang responsable sa kapabayaan. Sapagkat ang tunay na progreso ay hindi nasusukat sa taas ng gusali o bilis ng proyekto, kundi sa katiyakang ligtas at buhay na nakauuwi araw-araw ang bawat manggagawang Pilipino.
∞∞∞
Hatid natin ang pagbati kay Acting DOLE Secretary Francis “Tol” Tolentino. Mabuhay! :::






