LEYTE, Philippines – Sampung katao ang inaresto sa isang operasyon laban sa ilegal na online cockfighting o e-sabong sa Hindang, Leyte.
Ayon sa pulisya, isinagawa ang operasyon sa loob ng Hindang Amusement Center matapos makatanggap ng impormasyon tungkol sa umano’y patuloy na ilegal na e-sabong activities sa lugar. Nahuli ang mga suspek habang isinasagawa ang online betting operation.
Nakumpiska ng mga awtoridad ang iba’t ibang kagamitan na ginagamit sa e-sabong, kabilang ang mga cellphone, laptop, at iba pang electronic devices na pinaniniwalaang ginagamit sa pagtanggap at pagpapadala ng mga pustahan.
Mahaharap ang mga naarestong indibidwal sa kasong paglabag sa Presidential Decree No. 1602 at Executive Order No. 9 na may kaugnayan sa pagbabawal ng e-sabong sa bansa.
Patuloy naman ang imbestigasyon ng mga awtoridad upang matukoy kung may iba pang sangkot sa operasyon ng ilegal na e-sabong sa lugar. RNT/MND