ISA sa pinakamabigat na lalamnin ng darating na imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sub-committee ang paglalabas ng katotohanan sa male-maletang salapi para sa mga korap at mandarambong.
Kasama rin ang pagkilala sa mga posibleng utak ng mga korap at mandarambong dahil sa kanila dinala ang male-maletang pera na nagkakahalaga ng nasa P50 milyon hanggang P70 milyon bawat maleta.
Maaaring lilitaw rin ang sabwatan dito ng mga korap at mandarambong at may lilitaw ring kahit hindi utak o mastermind, nakinabang din nang todo nang male-maleta ring salapi.
‘Yan ay kung matutuloy ang Hunyo 4, 2026 na pagsisimula ni Senator Rodante Marcoleta na pamunuan ang imbestigasyon ng sub-committee.
HINAHARANG
Hinaharang ngayon ang imbestigasyon sa iba’t ibang paraan.
Pinakamalakas na harang ang pagbingwit sa mga nasa mayorya na bumaligtad para maging miyembro ngayon ng minorya.
‘Pag may bumaligtad galing mayorya, kasamang kukuwestiyunin ang ligalidad o kaya’y lulusawin ang anomang imbestigasyon sa flood control scandal.
Kapag nangyari ito, mawala na rin sa usapan sa Senado ang male-maletang perang dinambong, kasama ang mga nangorap at nandambong sa mga ito.
Maglalahong parang bula rin ang pagtukoy at pagkilala sa mga utak o mastermind at mga magkakasabwat sa pinakamalaking nakawan at pandaraya sa kasaysayan ng mahal kong Pinas.
Basta mawalan na ng saysay ang paghahanap ng taumbayan ng katotohanan at pananagutan.
At magpapatuloy na silang mga korap at mandarambong na humahalakhak hanggang sa katapusan.
HUWAG MAGPAKASIGURO
Pero hindi dapat magpakasiguro ang mga makaliligtas sa kamay ng katotohanan at katarungan ukol sa korapsyon at mandarambong.
Sapagkat may hangganan ang lahat.
Isa sa mga dapat alalahanin ng mga ito na kapangyarihan ng taumbayan na gumanti o magtuwid ng mga kabuktutan.
Kasama sa mga paraang doon ipinamamalas ng taumbayan ang kanilang kapangyarihan na alisin sa poder ang klaro sa kanila na mga kawatan at abusado ang halalan.
Kasaysayan na rin ang saksi sa paglalabas ng kapangyarihan ng taumbayan sa mga lansangan bilang ultimo remedyo laban sa mga korap at abusado.
Sa People Power 1 nangyari ito.
Dito walang binatbat maging ang pagdedeklara ng martial law na karaniwang sandigan ng mga magnanakaw at abusado para manatili sa poder at lusawin ang katotohanan sa nakawan at pang-aabuso.
PINAKAMAGANDANG HAYAAAN
Suma total, mga Bro, dapat hayaan ang buo at seryosong imbestigasyon sa dambuhalang flood control scandal para lumabas ang katotohanan at makamit ang katarungan ng sambayanan.
Hindi biro-biro ang basta na lamang nawala at ibinulsang P1.3 trilyon hanggang P1.7 trilyong salaping bayan ng mga korap at mandarambong.
Maraming buhay ang nakitil sa baha, sakit at gutom at marami ang naghirap at nagpapatuloy ang kalagayan ito dahil sa ninakaw na ganyang kalaking halaga.
Kung lalabas ang katotohanan at makilala at mapanagot ang mga dapat managot, huhupa ang galit ng taumbayan at hindi maiisipan ng mga ito na ipasakamay sa kanilang mga sarili ang batas.






