CAVITE, Philippines – Isang lalaki ang nadakip, matapos ang entrapment operation makaraan umanong ireklamo ng pananakot, pamimilit, at paulit-ulit na pakikipagtalik sa isang menor de edad sa isang hotel sa Brgy. Habay 2, Bacoor City.
Ayon sa report, kinilala ang suspek sa alyas na “Junior” nasa hustong gulang.
Batay sa nakalap na ulat mula sa Women and Children Protection Section (WCPS) ng Bacoor Component City Police Station (CCPS), personal na nagtungo sa himpilan ang 14-anyos na biktima na si alyas Nena kasama ang kanyang ama upang magsumbong laban sa suspek.
Base sa reklamo, tinatakot at pinipilit umano ng suspek ang menor de edad na makipagkita at muling makipagtalik sa kanya, nagbantarin umano ang suspek na ipapakalat o ipo-post sa social media ang isang maselang video na kanilang nairekord kung hindi susunod ang biktima.
Sa isinagawang imbestigasyon ng pulisya lumitaw umano sa salaysay ng biktima na ilang beses na silang nagkaroon ng sexual encounter sa naturang hotel bago pa man siya humingi ng tulong sa mga awtoridad.
Dahil dito, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba ng WCPS, Intelligence Unit, at SWAT Team ng Bacoor CCPS upang kumpirmahin ang reklamo at mailigtas ang menor de edad.
Gayunman, ayon sa pulisya, nagkaroon umano ng aberya sa operasyon matapos umanong hadlangan at antalahin ng ilang empleyado ng hotel ang pagpasok ng mga operatiba.
Dahil dito, sinasabing inaresto rin ang mga nasabing indibidwal para sa kaukulang paglabag sa batas.
Habang isinasagawa ang operasyon, umano’y sinubukan pa ng suspek na makipagtalik sa biktima sa loob ng silid, bagay na agad na naagapan ng mga awtoridad.
Ayon pa sa ulat, nanlaban umano ang suspek nang arestuhin siya ng mga operatiba at nagtamo ito ng bahagyang pinsala bago tuluyang mapasuko.
Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang kalibre .38 revolver na walang serial number na may isang bala at dalawang basyo, isang Redmi Android cellphone na umano’y naglalaman ng maselang video ng biktima, isang SIM card, isang 8GB micro SD card, isang kulay kahel na Rusi motorcycle at dalawang helmet.
Matagumpay namang nailigtas ang menor de edad habang ang lahat ng nakuhang ebidensiya ay naimbentaryo sa presensya ng mga opisyal ng barangay, ayon sa pulisya.
Inihahanda na umano ng mga awtoridad ang pagsasampa ng mga kasong Grave Threat, Grave Coercion, Attempted Rape in relation to Republic Act No. 11648, Resistance and Disobedience to a Person in Authority, Illegal Possession of Firearms and Ammunition sa ilalim ng Republic Act No. 10591, at iba pang kaukulang kaso laban sa suspek.
Sa kasalukuyan, nakatakdang iharap ang mga naarestong indibidwal sa Bacoor City Prosecutor’s Office para sa inquest proceedings at kaukulang legal na proseso.
Pinaalalahanan naman ng pulisya ang publiko na agad iulat sa mga awtoridad ang anumang uri ng pang-aabuso, pananakot, at pagsasamantala laban sa mga bata upang mabigyan ng agarang aksyon at proteksyon ang mga biktima. MARGIE BAUTISTA