MANILA, Philippines – SINIMULAN na ng Department of Education (DepEd), araw ng Lunes ang kick-off event sa Cabadbaran City National High School sa Agusan del Sur, tanda ito ng pagsisimula ng week-long Brigada Eskwela.
“So dito po nagkakaisa po tayo, and it’s a reminder na if we want quality education, kung gusto natin lumaki sa tamang paraan ang ating mga bata, if we want to enculcate them with values, then we really must concentrate in our schools,” ang sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara sa kanyang opening speech sa nasabing event.
Ang 2026 Brigada Eskwela ay may temang “Bayanihan sa Paaralan: Nagkaisa para sa Kaayusan at Kaalaman,” at naglalayon na i-promote ang community volunteerism sa paghahanda sa silid-aralan school grounds bago magsimula ang klase sa Hunyo 8.
“Ang Brigada Eskwela ay patunay ng lakas ng ating bayanihan para sa kinabukasan ng mga kabataan. Sa paggabay at suporta ni Pangulong Bongbong Marcos, pinag-isa natin ang TUPAD at Brigada upang hindi lang ihanda ang mga paaralan, kundi maghatid din ng kabuhayan sa mga pamilyang nangangailangan,” ang winika ni Angara.
Matatandaan, nito lamang nakaraang Sabado, inanunsyo ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagpapakilos sa 240,000 benepisaryo ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (TUPAD) program para sa Brigada Eskwela 2026.
“So, naglalayon po ito na mag-provide ng halos mahigit 200,000 trabaho nationwide mula June 1 hanggang magsimula na ang eskuwela. And even while classes are ongoing,” ang sinabi naman ni DOLE Acting Secretary Francis Tolentino sa isang panayam,
Ayon sa DepEd, naglaan ang DOLE ng P2 billion para sa implementasyon sa pagsuporta ng TUPAD sa Brigada Eskwela at school readiness activities para sa School Year 2026–2027.
Kasabay nito, inihayag ng DepEd na ang egional kick-off events ay idinaos din sa iba’t ibang Schools Division Offices, kabilang na ang Nueva Ecija, Batangas City, Puerto Princesa City, Talisay City, Calbayog City, at Davao City. KRIS JOSE