MANILA, Philippines — Tiniyak ng National Irrigation Administration (NIA) na handa ito sa mataas na posibilidad ng malakas na El Niño ngayong taon sa pamamagitan ng mga climate-resilient projects at patuloy na pagmomonitor sa lebel ng tubig sa mga pangunahing dam sa bansa.
Ayon kay National Irrigation Administrator Eduardo Guillen, nakatuon ang mga proyekto ng ahensya sa climate change resiliency, kabilang ang mga adaptation at mitigation measures, sa kabila ng pagbaba ng antas ng tubig sa ilang dam.
“Ang NIA naman ay proactive tayo dito sa climate change. In fact, ang mga projects natin ay nakatuon po doon sa tinatawag na climate change resiliency. So, may mga mitigation lalong-lalo na iyong mga adaptation projects po natin ngayon na ginagawa sa NIA, so naka-ready naman po tayo,” ani Guillen.
Sinabi niya na patuloy na minomonitor ng NIA ang dami ng tubig sa mga pangunahing dam upang matukoy kung gaano kalawak na sakahan ang maaaring mapatubigan.
“Ang maganda sa mga high dams natin, nakikita natin iyong present volume niya ano po. So nalalaman po natin kung ilan talaga iyong kaya natin—iyong programmed area na papatubigan natin,” dagdag niya.
Hinimok din ng NIA ang mga magsasaka na magtanim ng high-value crops na hindi nangangailangan ng maraming tubig gaya ng mais at munggo, kasabay ng pakikipag-ugnayan sa Department of Agriculture at mga lokal na pamahalaan.
Samantala, pansamantalang sinuspinde ng National Water Resources Board ang alokasyon ng tubig para sa irigasyon mula sa Angat Dam upang bigyang prayoridad ang suplay para sa mga kabahayan habang patuloy na bumababa ang lebel ng tubig nito.
“Dito lang naman po iyan sa Angat ‘no, dahil bumababa po iyong tubig ng Angat… 90% ng inuming tubig dito sa Metro Manila ay dito po galing, so siyempre priority po muna ang inuming tubig,” paliwanag ni Guillen.
Bilang pangmatagalang solusyon, sinabi ni Guillen na kasalukuyang itinatayo ang Bayabas Dam sa Bulacan. Ayon sa kanya, magkakaroon ito ng kapasidad na humigit-kumulang 54 milyong cubic meters ng tubig.
Nagpatupad na rin ang NIA ng mga solar-powered irrigation projects upang matulungan ang mga magsasaka na makayanan ang epekto ng El Niño. Santi Celario