Home NATIONWIDE Drayber, konduktor ng bus arestado sa pagbebenta ng shabu

Drayber, konduktor ng bus arestado sa pagbebenta ng shabu

2
0

MANILA, Philippines – Arestado ang isang bus driver at konduktor matapos maaktuhan umanong nagbebenta ng shabu sa buy-bust operation sa Brgy. Sta. Isabel, Calapan City noong Hunyo 2.

Kinilala ng pulisya ang mga suspek na isang 41-anyos na drayber at 32-anyos na konduktor, kapwa residente ng Brgy. Poblacion, Bansud, Oriental Mindoro.

Nasamsam sa operasyon ang tinatayang 55 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P374,000, buy-bust money, drug paraphernalia, communication equipment, at isang Toyota Hi-Ace van na pinaniniwalaang ginagamit sa ilegal na aktibidad.

Pinangunahan ang operasyon ng mga tauhan ng PDEA-Mimaropa, PNP-Drug Enforcement Group at Calapan City Police Station.

Isinagawa ang imbentaryo ng mga nakumpiskang ebidensya sa presensya ng isang barangay kagawad at kinatawan ng media upang matiyak ang pagsunod sa tamang proseso.

Nasa kustodiya na ng PDEA ang dalawang suspek at sasampahan ng kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Pinuri naman ni Oriental Mindoro Police Director Col. Edison Revita ang mga operatiba sa matagumpay na operasyon laban sa ilegal na droga. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here