Home OPINION BALAT SA TINALUPAN NAGHALO SA SENADO

BALAT SA TINALUPAN NAGHALO SA SENADO

4
0

NAGHALO ang balat sa tinalupan o nagkaroon na ng matinding gulo o rambulan sa Senado kahapon kaugnay ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee o SBRC sa male-maletang kikbak sa flood control program.

Nagmula ang matinding gulo sa pagpasok pa lang ng tinataguriang 18 Brave Marines at sundalo na resource persons na nag-expose ng nasabing male-maletang kikbakan.

Hinarang ang mga resource person at grupo nina SBRC chairman Pia Cayetano ng ilang tauhan ng Senado, kasama pati si Interior Secretary Jonvic Remulla, ngunit nabigo sila.

Dito rektang nagharap sa pwersahang pagpasok at pagharang sina Sen. Robin Padilla at Remulla.

Tuloy-tuloy na pumasok sina Cayetano at iba pang mga senador sa session hall ng Senado.

At dito na kumalma ang lahat.

Hindi naman pinatayan ng kuryente, wifi o internet at sound system ang komite na nagsagawa ng imbestigasyon.

LIGAL VS ILIGAL

Bago nagsagawa ng imbestigasyon ang SBRC na ang subcommittee ay pinamunuan ni Sen. Rodante Marcoleta, ipinaliwanag nina Sen. Pia Cayetano at Senate President Alan Peter Cayetano ang pagiging ligal ng isinagawang imbestigasyon.

Kabilang sa mga pinagbatayan dito ang posisyon ni SP Cayetano bilang halal ng mayorya sa Senado at kapangyarihan ng SBRC na lumikha ng anomang sub-committee gaya ng SBRC sub-committee.

Habang nagaganap ang imbestigasyon, ang mga grupo nina Sen. Tito Sotto at Win Gatchalian ay pawang pagkwestiyon sa ligalidad ng imbestigasyon naman ang ginawa.

Kanya-kanyang pahayag at paggigiit ng mga ito sa pagiging iligal ng SBRC ni Sen. Pia at SBRC sub-committee ni Sen. Marcoleta kaya iligal din umano ang imbestigasyon.

Kung hindi magkakasundo ang mga senador dito, maaaring may magsasampa ng kaso ukol dito sa hukuman.

At maaaring maapektuhan ang ligalidad mismo ng imbestigasyon na makasama o makabuti sa ibubunga nitong mga kasong kriminal, administratibo at sibil laban sa mga sangkot sa korapsyon at pandarambong.

KANYA-KANYANG HUGAS NG KAMAY

Naghalo rin ang balat sa tinalupan sa pagitan ng 18 Marines at sundalo at mga tinukoy nilang mga tumanggap ng mga basura o maleta na pera ang laman bilang kikbak.

May mga kongresman at senador na pinangalanan ng mga sundalo na kanilang hinatiran ng male-maletan o bag-bag na pera.

Ilan sa mga pinangalanan ang ilang prosecutor ng kasong impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

May mga taga-Palasyo rin.

Isa-isa sa ilan sa mga pinangalanan ang nagpabulaan sa katotonan ng pahayag ng mga sundalo.

Ang iba, naghamon na patunayan ng mga sundalo ang kanilang mga bintang.

Maaaring may magsasampa ng kaso rito at palagay ng ating Uzi, lalong kakalat ang singaw ng katiwalian sa ganitong paraan dahil tiyak na susubaybayan at ibabalita ng media ang bawat kaso.

KATOTOHANAN VS KASINUNGALINGAN

Kung maobserbahan ninyo sa mga diin nina SP Cayetano at Sen. Marcoleta, dapat ang personal na nalalaman, karanasan at ginawa ng bawat indibidwal sa 18 sundalo ang kanilang ihahayag.

Ito’y dahil sa pagiging witness o saksi sa kaso, dapat may personal na kaalaman, karanasan o gawa ang isang saksi.

At ito naman ang ginawa ng mga sundalo at hindi basta nagdepende sa affidavit na ginawa nila.

Sa dulo, hayaang manaig ang katotohanan laban sa kasinungalingan.

Sa dulo ng lahat, hayaan ang mga mamamayan na magpasya kung sino-sino ang kanilang mga paniniwalaan: ang nagsasabi ng katotohanan o kasinungalingan.

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here