Home NATIONWIDE Mahistrado ng Sandiganbayan nagulat sa dami ng sakit ni Bonoan: May CKD,...

Mahistrado ng Sandiganbayan nagulat sa dami ng sakit ni Bonoan: May CKD, cancer

5
0

MANILA, Philippines — Nagulat ang isang mahistrado ng Sandiganbayan sa dami ng iniindang karamdaman ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Manuel Bonoan, na nahaharap sa kasong plunder at graft kaugnay ng umano’y anomalya sa mga flood control project.

Sa pagdinig, binasa ni Sandiganbayan Second Division Presiding Justice Geraldine Econg ang listahan ng mga sakit ni Bonoan batay sa impormasyong isinumite ng Philippine National Police (PNP).

Kabilang sa mga iniindang karamdaman ni Bonoan ang diabetes, hypertension, acute coronary syndrome, chronic kidney disease (CKD), prostate cancer, at mga problema sa gulugod o spine.

“Bakit ang dami na?” tanong ni Econg.

Ayon sa hukuman, hihingi ito ng updated medical report mula sa PNP hinggil sa kalagayan ni Bonoan, na kasalukuyang naka-confine sa The Medical City.

Isa si Bonoan sa mga akusado sa P573-milyong plunder at graft cases na may kaugnayan sa umano’y anomalya sa mga flood control project. Kabilang din sa mga nahaharap sa kaso si Senador Jinggoy Estrada.

Ayon sa mga piskal ng Ombudsman, may papel umano si Bonoan sa paghahatid ng tinatawag na “commitment fees” para kay Estrada kaugnay ng mga flood control project sa Bulacan.

Sinabi ng mga prosecutor na humiling umano si Estrada ng kabuuang P855 milyong pondo para sa mga proyekto at tumanggap umano ng 25 porsiyento nito o hindi bababa sa P213.7 milyon bilang kickback.

Inakusahan din si Bonoan na may kinalaman sa pagpili ng mga kontratistang nabigyan ng mga proyekto.

Mariin namang itinanggi nina Bonoan at Estrada ang mga alegasyon laban sa kanila. Santi Celario

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here