DALAWANG mahalagang usapin ang iniluwal ng nasimulang imbestigasyon sa flood control scandal ng Senate Blue Ribbon Committee subcommittee sa ilalim ni Senador Rodante Marcoleta.
Nagbanggaan ang ‘claim’ ng isang panig para sa “katotohanan” o truth at kasinungalingan o bogus naman ng kabilang panig.
Sa parte ng grupo nina Senate President Alan Peter Cayetano at Marcoleta, katotohanan umano ang kanilang ipinaglalaban habang sa grupo ni umano’y Acting Senate President Win Gatchalian, kasinungalingan at bogus umano ang drama ng una.
Bago naganap ang unang sigwada ng imbestigasyon kamakalawa, pinigilan ng SBRC sa ilalim ni Senator Ping Lacson at noo’y SP Tito Sotto ang pagsalang ng 18 Marines at sundalo sa rasong may pagiging imposible o kaduda-duda sa pinagsasabi ng mga ito sa mga press conference.
Nitong Huwebes, tuluyan nang pinayagan ang mga sundalo na imbestigahan sa loob ng Senado sa ilalim naman ni SBRC Chairman Sen. Pia Cayetano, partikular sa ilalim ni Marcoleta at nakasama nito si SP Cayetano mismo sa buong imbestigasyon.
Tahasang sinasabi nina Sen. Marcoleta at SP Cayetano na ito na ang pagkakataon sa paglabas ng katotohanan na matagal na pinigilang mailabas nina Sotto at Lacson sa nakalipas na ilang buwan.
Ayon naman kina Sotto, bukod sa sinungaling ang mga sundalo, bogus pa umano ang imbestigasyon at masasabing walang ligal na tuntungan o epekto ito pagdating sa hukuman.
Naging kapansin-pansin, mga brad, ang pagdidiin nina Marcoleta at SP Cayetano ang pagsasalaysay nang personal o indibidwal at/o grupong kaalaman at karanasan ng mga sundalo ukol sa male-maletang kikbakan sa flood control program upang tumindig ang kanilang mga salaysay sa hukuman.
Sa ngayon, mga kasong libelo lang ang lumilitaw na patutunguhan ng pagsasalaysay ng mga sundalo, kakambal ng kawalan umano ng immunity nila dahil bogus nga umano ang imbestigasyon.
Abangan na lang natin ang mga susunod na kabanata nang may paninindigan sa katotohanan at hindi sa kasinungalingan.






