Home NATIONWIDE BI: SoKor nananatiling nangungunang pinagmumulan ng mga turista sa Pilipinas

BI: SoKor nananatiling nangungunang pinagmumulan ng mga turista sa Pilipinas

3
0

MANILA, Philippines – Nanatiling pinakamalaking pinagmumulan ng mga dayuhang turistang bumibisita sa Pilipinas ang South Korea, ayon sa pinakahuling datos ng Bureau of Immigration (BI).

Sa Bagong Pilipinas Ngayon public briefing, sinabi ni BI spokesperson Dana Sandoval na patuloy na nangunguna ang mga South Korean sa bilang ng mga dayuhang pumapasok sa bansa, kasunod ang mga mamamayan ng United States, Canada, Japan, at China.

Ayon kay Sandoval, halos hindi nagbabago taun-taon ang listahan ng mga bansang may pinakamaraming turistang dumarating sa Pilipinas, patunay ng patuloy na pagiging kaakit-akit ng bansa bilang destinasyon ng mga dayuhang biyahero.

Kasabay nito, iniulat ng BI na nakapagtala rin ng pagtaas sa kabuuang bilang ng mga turistang dumating sa bansa kahit nasa lean season o panahon na karaniwang mababa ang travel activity. Mula sa 1.337 milyon noong Abril ng nakaraang taon, umakyat ito sa 1.358 milyon ngayong taon, habang tumaas din ang bilang noong Mayo mula 1.299 milyon tungo sa 1.309 milyon.

Ipinaliwanag ni Sandoval na karaniwang bumababa ang dami ng mga biyahero matapos ang mga mahabang holiday at pagsisimula ng tag-ulan, ngunit nananatiling positibo ang trend ng pagpasok ng mga turista sa bansa.

Dahil dito, patuloy umanong pinapahusay ng Bureau of Immigration ang mga sistema at proseso nito upang mas mapadali ang pagpasok ng mga dayuhang bisita at mapanatili ang paglago ng sektor ng turismo alinsunod sa direktiba ng administrasyon. JAY Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here