MANILA, Philippines – Idineklara bilang “Important Cultural Property” ang gusali ng Supreme Court of the Philippines sa Padre Faura Street, Ermita, Manila, bilang pagkilala sa makasaysayang kahalagahan nito sa bansa.
Noong Biyernes, Hunyo 5, pinangunahan ng National Historical Commission of the Philippines ang unveiling ng historical marker at commemorative plaque bilang paggunita sa ika-125 anibersaryo ng Korte Suprema sa Hunyo 11.
Pinangunahan ni Chief Justice Alexander G. Gesmundo ang seremonya, kasama ang ilang mahistrado ng Korte Suprema, gayundin si Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at mga opisyal ng NHCP at University of the Philippines Manila.
Ayon sa kasaysayan, ang gusali ay itinayo noong 1928–1930 bilang main library ng University of the Philippines at dinisenyo ng arkitektong si Antonio Toledo sa neoclassical style. Noong 1949, inilipat ito ng UP sa Diliman at ginamit ang gusali ng Department of Foreign Affairs hanggang 1991, bago ito naging opisyal na tahanan ng Korte Suprema.
Ayon kay Associate Justice Raul B. Villanueva, ang historical marker ay paalala na ang Korte Suprema ay “a continuity of principle that has outlasted regimes, wars, and the destruction of the very buildings where it once sat.”
Giit naman ng SC spokesperson na si Camille Sue Mae L. Ting, patuloy na humaharap ang korte sa hamon ng pagbabago ngunit nananatiling matatag sa kabila ng mga pagsubok sa loob ng 125 taon.
Pinasalamatan naman ng NHCP ang Korte Suprema sa patuloy na pagtindig bilang “strong and last defense” ng mga Pilipino sa paghahanap ng hustisya.
Sa parehong seremonya, nilagdaan din ang Certificate of Transfer and Acceptance ng historical marker, habang itinampok ang commemorative plaque na kumikilala sa SC New Building bilang pangunahing upuan ng korte mula 1991 hanggang sa kasalukuyan.
Samantala, idineklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Hunyo bilang “Judiciary Month” upang bigyang-diin ang mahalagang papel ng hudikatura sa pagpapatupad ng batas at hustisya. RNT/MND