Home NATIONWIDE Legarda: Iligal, labag sa Konstitusyon pagbabago ng Senate leadership

Legarda: Iligal, labag sa Konstitusyon pagbabago ng Senate leadership

3
0

MANILA, Philippines – Giit ni Senator Loren Legarda na hindi valid at labag sa Konstitusyon ang nangyaring pagbabago sa liderato ng Senado noong Hunyo 3, at nananatili siyang Senate President Pro Tempore.

“Si Loren Legarda po. Ang inyong Senate President Pro Tempore,” pahayag niya sa video statement.

Sa session noong Hunyo 3, idineklara si Senator Sherwin Gatchalian bilang Senate President Pro Tempore at acting Senate President matapos makabuo ng quorum na 12 senador, kasabay ng reorganisasyon ng ilang komite.

Giit ni Legarda, hindi tama ang naging proseso dahil 12 senador lamang umano ang bumoto sa plenaryo:

“Labag sa Konstitusyon at alituntunin ng Senado ang nangyaring pagtatalaga ng Senate President Pro Tempore, Senate Secretary, at Sergeant-at-Arms dahil labindalawang senador lamang ang nasa plenaryo na bumoto,” aniya.

Iginiit din niya na hindi maaaring gamitin ang Avelino v. Cuenco case bilang batayan, dahil ito ay mula pa noong 1949 at ilalim pa ng 1935 Constitution.

“Taong 1949 pa ang kasong ito at naganap sa ilalim ng 1935 Constitution. Nagbago na ang Saligang Batas, 1987 Constitution na ang sumasaklaw sa atin,” dagdag niya.

Bilang tugon, sinabi ni Sherwin Gatchalian na nirerespeto niya ang opinyon ni Legarda, ngunit may suporta rin umano ang kanyang posisyon mula sa ilang legal experts at organisasyon tulad ng Integrated Bar of the Philippines at mga dating Senate President.

Ayon pa kay Gatchalian, kinikilala na rin ng Civil Service Commission ang kanyang liderato, at inaayos na ang mga dokumento ng Senado kaugnay nito.

Samantala, sinabi niya na magpapatuloy ang Blue Ribbon Committee hearing sa Hunyo 8 at lahat ng senador ay inanyayahan.

Si Senator Robin Padilla naman ay nanawagan na tanggapin ng publiko ang mga hindi pagkakasundo sa Senado bilang bahagi ng demokrasya.

“Matakot kayo kapag kami ay nagkasundo-sundo na at meron nang conspiracy,” aniya.

Sa hiwalay na pahayag, ibinangon naman ni dating presidential spokesperson Harry Roque ang alegasyon na may posibleng paglipat ng isa pang senador mula sa Cayetano bloc, ngunit walang inilabas na ebidensya.

Ayon kay Gatchalian, wala pang napag-uusapang special session sa Malacañang at patuloy pa ang koordinasyon sa mga usaping kailangan resolbahin ng Senado. RNT/MND

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here