Home NATIONWIDE Tulfo, humingi ng paumanhin sa Cayetano bloc

Tulfo, humingi ng paumanhin sa Cayetano bloc

4
0

MANILA, Philippines – Pormal na humingi ng paumanhin si Senador Erwin Tulfo kay Senate President Alan Peter Cayetano sa marahas na pahayag sakaling ulitin ang pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa flood control scandal.

Sa pahayag, sinabi ni Tulfo na “bilang pagkilala sa mataas na institusyong aking kinabibilangan, lubos akong humihingi ng paumanhin sa aking mga kasamahan sa aking mga naging marahas na pahayag ukol sa pagpapaaresto, pagkwelyo, at pagbibitbit kay Senador Cayetano at  sa ilang indibidwal palabas ng session or plenary hall.”

“Hindi po ito ang dapat na asal ng isang opisyal lalo na  ng isang senador.  Ang mga salitang iyon, bagaman hindi nararapat sa harap ng publiko, ay dala ng bugso ng damdamin sa hangarin na huwag nang maantala pa ang trabaho para sa bayan,” Giit ni Tulfo.

Ngunit, aniya, “gayunpaman, ito ay mali pa rin.”

“Humihingi rin ako ng kapatawaran sa ating mga kababayan. Dahil sa mga nagdaang hidwaan, natapos ang sesyon nang hindi umuusad ang mahahalagang batas. Nang dahil sa bangayan, naging paralisado ang ating mandato. Ang mga Pilipino ang tunay na talo dito,” giit ng senador.

Dahil dito,  nananawagan si Tulfo sa  kapwa Senador: “Tapusin na ang pagkakawatak-watak. Dahil sa labas ng Senado, ilan sa atin ay magbabarkada, magkumare o magkumpare naman. KAYA, TRABAHO NA LANG TAYO.”

“Magbalangkas na ng mga batas, mag-imbestiga sa mga iregularidad nang walang kinatatakutan, at unahin ang kapakanan ng bawat Pilipino. Ang pagkakaisa ay hindi nangangahulugang pag-atras sa laban; ito ay ang pagsasama-sama ng ating lakas upang protektahan ang sambayanan,” paliwanag ng bagitong senador.“Sa panahong ito ng pagsubok, itabi natin ang personal na interes. Ipanalo natin ang Pilipino. Magkaisa tayo para sa maibalik ang integridad at tatag ng Senado,” aniya. Ernie Reyes

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here