CAMARINES SUR, Philippines – Dalawang pinaghihinalaang miyembro ng New People’s Army (NPA) ang napatay sa engkuwentro laban sa mga pwersa ng gobyerno sa Barangay San Isidro West, Goa noong Sabado ng umaga.
Ayon kay Brig. Gen. Emil Cruz, kinilala ang mga nasawi na sina Jonathan Mendez, na kilala rin sa mga alyas na Errol, Manuel, Maria, at Jun, at si Nilo Caballero na may alyas na Richard.
Sinabi ng militar na ang dalawa ay pinaniniwalaang kasapi ng Sub-Regional Committee 2 ng Bicol Regional Party Committee.
Naganap ang bakbakan bandang alas-5 ng umaga sa operasyon ng 83rd Infantry Battalion katuwang ang Philippine National Police matapos makatanggap ng ulat mula sa isang sibilyan tungkol sa presensya ng mga armadong rebelde na umano’y nananakot at nangingikil sa mga residente.
Tumagal ng humigit-kumulang 10 minuto ang palitan ng putok.
Narekober ng mga sundalo sa lugar ang isang M16 rifle at isang Galil ACE 22N rifle na may 5.56×45 mm caliber.
“The success of this operation demonstrates the government’s sustained efforts against the communist terrorist group,” ayon kay Cruz.
“We will continue our operations to ensure the safety and security of communities in Camarines Sur and throughout the region,” dagdag pa niya. RNT/MND