JAKARTA, Indonesia – Inalis ng Indonesia ang tsunami warning nitong Lunes, ilang oras matapos mag-utos ng paglikas sa mga hilagang lugar na posibleng tamaan ng tsunami kasunod ng magnitude 7.8 na lindol sa katimugang bahagi ng Pilipinas.
Ayon sa Meteorology, Climatology, and Geophysics Agency (BMKG), “has ended” na ang tsunami warning matapos ang 4.5 oras mula nang ito ay ipalabas.
Naitala ng ahensya ang maliliit na tsunami waves sa hindi bababa sa siyam na lugar sa Indonesia, kung saan ang pinakamataas ay umabot sa 0.75 metro (2.4 feet) sa Sangihe Island.
Nauna rito, inutusan ang mga residente sa mga high-risk areas tulad ng Manado (North Sulawesi), hilagang Gorontalo, at Sangihe Island na lumikas patungo sa mas ligtas na lugar.
Ayon sa ulat, ramdam lamang ang pagyanig sa Indonesia sa loob ng dalawa hanggang tatlong segundo at nanatiling “safe, calm and under control” ang sitwasyon.
Pinayuhan din ang publiko na umiwas sa mga baybayin at ilog at itigil ang anumang aktibidad sa mga katubigan.
Ang Indonesia at mga karatig bansa ay madalas makaranas ng lindol dahil sa lokasyon nito sa Pacific “Ring of Fire,” kung saan nagaganap ang matinding seismic activity. RNT/MND