MANILA, Philippines – Kapwa nanawagan ng panalangin at pagkakaisa sina Senador Panfilo Lacson at Alan Peter Cayetano sa paghahatid ng tulong sa lahat ng napinsala ng malakas na lindol na yumanig sa maraming bahagi ng Mindanao.
Sa magkahiwalay na pahayag, hiniling ni Lacson sa kasamaha sa Senado na pansamantalang itigil ang usaping ng pulitika at ituon ang pansin sa panalangin at pagbibigay ng tulong sa mga komunidad na naapektuhan ng magnitude-7.8 na lindol sa Mindanao.
Giit ni Lacson, dapat nakatuon ang atensyon sa dinaranas na hirap ng mga Pilipino sa katimugan matapos ang sakuna.
“Let’s take a break from the Senate power play and pray for the people of Mindanao, especially the fatalities and the injured as well as those whose properties were damaged and destroyed by the 7.8 magnitude earthquake this morning,” aniya sa X.
Naganap ang malakas na lindol nitong Lunes ng umaga sa offshore Sarangani, dahilan upang maglabas ng tsunami alert ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology.
Ayon sa Office of Civil Defense, umabot na sa 19 ang bilang ng mga nasawi sa lindol hanggang nitong Lunes ng gabi.
Sa kabilang dako, nanawagan din ng pagkakaisa si Cayetano sa pagtutok sa relief efforts sa Mindanao sa pagsasabing: “Mindanao is now. They need the attention now.”
Tulad ni Lacson, hinikayat din ni Cayetano ang kasamahan na isantabi ang mga pagkakaiba sa pulitika at ituon ang atensyon sa pagtulong sa mga apektadong komunidad matapos ang malakas na lindol na tumama sa Mindanao.
Tumama ang magnitude 7.8 na lindol malapit sa General Santos City nitong Lunes ng umaga na nagdulot ng pagkasira ng mga gusali, pagkawala ng kuryente, at pagpanaw ng mahigit 10 katao, ayon sa disaster authorities.
Naramdaman ang lindol sa iba’t ibang bahagi ng Mindanao, na nag-udyok ng mabilis na rescue at relief operations sa mga apektadong lugar.
Giit ni Cayetano, dapat iprayoridad ang agarang pagtulong sa mga biktima at ang patuloy na rescue, relief, at rehabilitasyon.
“Let’s focus on Mindanao and on the relief and rehabilitation especially mayroong lives that are at stake now,” pahayag ni Cayetano sa isang press conference nitong June 8, 2026.
Ayon sa Senate President, nakipag-ugnayan na ang mga miyembro ng kanyang grupo upang magtulungan at makipag-ugnayan sa mga contact sa mga apektadong lugar para alamin kung paano makakatulong.
Binigyang diin din niya ang pangangailangan ng kooperasyon ng iba’t ibang sektor, at iginiit na dapat unahin ang humanitarian response sa kabila ng mga pagkakaiba sa pulitika.
Aniya, handa siyang makipagtulungan sa national government at iba pang organisasyon para maihatid ang tulong sa mga apektadong lugar.
“We have to put faith into action, meaning there’s no help that is too small or too big,” sabi ni Cayetano.
Habang nananatiling nakatuon sa agarang tulong, muling binuhay ni Cayetano ang panawagan para sa pagpasa ng Emergency Response Department (ERD) Act, isang panukala na paulit-ulit niyang isinusulong sa loob ng 12 taon mula 16th Congress hanggang sa kasalukuyang 20th Congress.
Layunin ng panukala na magtatag ng isang centralized at mas aktibong ahensya na tututok sa disaster preparedness, emergency response, at rehabilitasyon.
Ayon kay Cayetano, ang isang permanenteng departamento ay magpapabilis ng koordinasyon sa pagitan ng mga ahensya ng gobyerno at magpapalakas sa kakayahan ng bansa na tumugon sa malalaking sakuna.
“Wala tayong dapat conflict kung may kailangan ang ating bansa. Dapat tanggalin ang politika,” diin niya. Ernie Reyes