Home NATIONWIDE SUV driver na tumakas sa nabanggang HPG sa SLEX ipinatawag ng LTO

SUV driver na tumakas sa nabanggang HPG sa SLEX ipinatawag ng LTO

2
0

MANILA, Philippines – Ipinatawag ng Land Transportation Office (LTO) ang drayber ng sports utility vehicle (SUV) na sangkot sa viral na hit-and-run incident sa isang tauhan ng Highway Patrol Group sa South Luzon Expressway.

Sa pahayag, sinabi ng LTO na nag-isyu ito ng show cause order (SCO) laban sa SUV driver at maaaring mapanagot dahil sa reckless driving at sa bigong pagtugon sa tungkulin nito bilang drayber sa oras ng isang aksidente.

Ito ay kasunod ng pag-iwan nito sa nabanggang HPG police officer matapos ma-sideswipe sa naturang expressway.

Sa insidente noong Hunyo 6, makikita ang motorsiklo ng HPG na nagpalit ng linya mula sa overtaking lane habang bigla namang humarurot ang SUV at kumabig pakaliwa mula sa third lane dahilan para masapul nito ang motorsiklo.

Hindi naman huminto ang SUV driver para alamin ang kondisyon ng biktimang HPG police officer at sa halip ay nagmadali pang tumakas.

Inatasan ng SCO ang drayber at registered owner ng SUV na humarap sa LTO Intelligence and Investigation Division (IID) sa Hunyo 15 ng alas-11 ng umaga.

Pinagpapasa ang mga ito ng sworn explanation sa kanilang aksyon.

Mahaharap din ang SUV driver sa suspensyon o pagbawi ng kanyang lisensya sa pagiging improper person to operate a motor vehicle.

Inilagay na sa alarma ng LTO ang SUV at isinailalim naman sa preventive suspension ng 90 araw ang driver’s license ng SUV driver.

Nagpaalala naman si LTO chief and Transportation Assistant Secretary Markus Lacanilao sa mga motorista na maging responsableng drayber at palaging isipin ang kaligtasan ng mga kasamahan sa kalsada.

“Hindi katanggap-tanggap ang pag-alis sa lugar ng isang aksidente, lalo na kung may nasaktan. Sa mga ganitong sitwasyon, sisiguraduhin ng LTO na maimbestigahan ang insidente at mapanagot ang sinumang mapatutunayang lumabag sa batas,” aniya.

Kinondena naman ng National Police Commission (NAPOLCOM) noong Linggo ang insidente.

Posible naman anang HPG na gumamit ng pekeng plaka ang SUV. RNT/JGC

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here