MANILA, Philippines – UMAKYAT na sa 8,642 eskuwelahan sa 43 divisions sa anim na rehiyon ang naapektuhan ng magnitude 7.8 earthquake na tumama sa Maasim, Sarangani, araw ng Lunes, Hunyo 8.
Sa Situation Report No. 3 na ipinalabas ng alas-5 ng hapon, araw ng Lunes, sinabi ng Department of Education (DepEd) na nagambala ng malakas na paglindol ang klase para sa 4,090,246 mag-aaral at 156,282 school personnel sa Regions IX, X, XI, XII, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Caraga Region.
Ang pinakabagong pigura ay marka ng mabilis na pagtaas mula sa report ng tanghali, kung saan nakapagtala lamang ng 6,224 apektadong eskuwelahan at 3.24 milyong mag-aaral.
Makikita sa isang mabilis na damage assessment sa pamamagitan ng DepEd’s Incident Management Reporting System na may 381 silid-aralan ang nagtamo ng minor damage, 93 naman ang nagtamo ng major damage, at 62 ang nawasak. Sinabi ng DepEd na ang pigura ay nananatiling ‘subject to verification’ ng disaster coordinators at structural engineers sa ground.
Samantala, kinumpirma ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) na ang naramdamang magnitude 7.8 na lindol sa Mindanao ay bunsod ng paggalaw ng Cotabato Trench.
Natukoy ang epicenter ng lindol sa layong 32 km timog-kanluran ng Maasim, Sarangani at may lalim na 33 kilometro.
Ayon naman kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, maaaring magpatuloy ang mga aftershock sa mga susunod na linggo o buwan, habang nananatili ang banta ng pagguho ng lupa sa mga landslide-prone area lalo na kung susundan ng malalakas na pag-ulan ang lindol.
Pinapayuhan ng PHIVOLCS ang publiko na maging mapagmatyag sa mga susunod na aftershock at iwasang pumasok sa mga gusaling posibleng humina ang estraktura dahil sa lindol. KRIS JOSE